Kaso ng Isetann magsilbi sanang aral sa lahat

Marami ang nagulantang sa ating ginawang pagpapasara kailan lang ng isa sa mga pinakamatandang mall sa Maynila—ang Isetann Cinerama Complex na matatagpuan sa Recto Avenue sa Quiapo.

Sa totoo lang, kinailangan ko tala­gang gawin ang bagay na ito upang malinaw na maipahatid ang mensahe sa lahat ng nagnenegosyo sa lungsod—na may gobyerno na tayo ngayon sa Maynila at hindi na pupuwede ‘yung naka­gawian sa loob noong mga nakalipas na taon kung saan ang mali ay nagiging tama, depende sa ‘kausap’ at sa ‘usapan’.

Heto, para sa kaalaman ninyong lahat, mga giliw na mambabasa, ang mga pangyayari na nauwi sa pagpapa­sara ng Isetann bago sila natutong sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan at muling napayagan na magbukas nito lamang nakaraang Biyernes.

Buwan pa lang ng Hulyo ay binalaan ko na ang Isetann matapos ko itong personal na puntahan para ipahinto ang operasyon ng iligal na pasugalan kung saan mga bata pa mismo ang biktima. Kalagitnaan ng Set­yembre naman ay nagbabala na ako sa mga nagbebenta ng cellphone na GSM o ‘ga­ling sa magnanakaw’ na tigilan ito, matapos ma-trace ng grupo ni Special Mayor’s Reaction Team (SMART) chief Maj. Jhun Ibay ang isang ninakaw na cellphone habang ito ay ibinebenta sa 4th floor ng Isetann Cine­rama Complex.

Kailan lang ay nagsumbong ang isang tatay sa SMART dahil ninakaw ang cellphone ng kanyang anak at nu’ng i-trace, natagpuan ito sa Isetann na naman. Ibig sabihin, walang ginawa ang Isetann kaugnay ng unang pangyayari.

Ang paulit-ulit na paglabag ng mall na ito ang siyang naging mitsa para magsagawa ang mga tauhan ng city hall ng pagsisiyasat at doon na nabuko na marami pa palang ibang mga paglabag ang mga nagpapatakbo ng Isetann.

Saan kayo nakakita na ang nakalagay sa business permit nito ay 1,000 square meters lang daw ang laki ng mall at sampu lang ang bilang ng empleyado? Ang may hawak ng operation ng supermarket, sinehan, parking lot, department store at mga paupahang stall at espasyo sa loob ng Isetann, wala ring permit. Ang Cineworld Cinema Inc. na nagpapatakbo ng cinema, isa lang ang permit gayung apat ang sinehan ng mall. Wala ring kanya-kanyang business permit ang mga stall at espasyo.

Sa dami ng mga paglabag na ‘yan sa mga itinakdang regulasyon ng pamahalaang lungsod, hindi maikakaila na may sapat na panahon at pagkakataon ang Isetann upang ituwid sana ang kanilang mga pagkakamali at tumahak na ng tamang daan para maging maayos at ligal ang lahat, sa paglisan ng nakaraang admi­nistrasyon.

Bakit kanyo? Pagkaupong-pagkaupo ko pa lamang ay paulit-ulit ko nang sinasabi na may gobyerno na ang lungsod at panahon na para iwaksi ‘yung mga nakagawiang maling gawain. Nagbigay pa nga ako ng amnestiya—pinakamahaba sa kasaysayan ng Maynila dahil hanggang Dis­yembre ito—para sa mga nahirati sa mali at gustong itama ang kanilang sarili.

Hindi naman maaaring nakahalukipkip lang ang pamunuang lungsod habang patuloy na nagtetengang-kawali at patuloy na gumagawa ng iligal ang mga malalaking negosyante gaya ng sa kaso ng Isetann. Hindi ito tama at patas para sa maliliit na manininda na nagpapakahirap sa init ng araw at sa buhos ng ulan at nagbabayad sa pamahalaang lokal ng etneb sa umaga at etneb sa gabi para lang lumagay sa ligal.

Sabi nga, ‘dura lex, sed lex’. Maaaring malupit ang batas pero ito pa rin ang batas. Mistula na akong sirang plaka sa pagbibigay ng abiso, babala at paliwanag, para bigyan ang lahat ng mga nahirati sa mali na gawin na ang tama. Kaya hindi pupuwedeng sabihin ng sinumang tatamaan sa mga reporma na sila ay binigla o hindi nasabihan.

Hindi pupuwedeng kunsintihin ang iligal, pandaraya at pananatili sa maling nakasanayan dahil baka ito pamarisan ng iba. Maging ginintuang aral nawa sa lahat ng nagnenegosyo sa Maynila ang nangyari sa Isetann.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.