Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila inuupuan ang mga kaso ng pagpatay na may kinalaman sa illegal drugs at sa katunayan ay 628 na ang kanilang naisampang kaso sa kabuuang 1,507 kaso ng pagpatay.

Sa pagharap ni PNP Chief Director Gen. Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa sa budget briefing ng Department of Interior and Local Government (DILG), sinabi nito na mayroon silang regular updates partikular na sa mga kaso ng summary killings.

Dagdag pa ni Dela Rosa na ang lahat ng mga kaso ng pagpatay na may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot, ito man ay death under investigation o dahil sa police operation, ay agad nilang sinisiyasat at hindi nagpapabaya.