Umapela ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Philippine National Police (PNP) na madaliin ang imbestigasyon at pagdakip sa mga res­ponsable sa pamamaril at pagpatay sa isang huwes sa Butuan City.

Sa inilabas na kalatas ni Abdiel Dan Elijah Fajar­do, pangulo ng IBP, dapat na madaliin ang pag-iimbestiga sa pagpatay sa biktimang si Judge Godofredo Abul Jr., 68, ng Butuan City Regional Trial Court (RTC) Branch 4.

Sa ulat, tinamaan ng bala sa ulo si Abul habang sugatan naman ang asawa nitong si Bernadeth, 65.

Nabatid na buwan ng Pebrero nang suspen­dehin ang nasabing huwes sa loob ng anim na buwan kaugnay ng extortion case na isinampa ng isang Katolikong pari na kaanak ng isang naaresto sa ilegal na droga.