Maituturing na sarado na ang kaso ng pinatay na Ateneo de Manila University (ADMU) student matapos holdapin sa Marikina City nang pormal nang iprinisinta sa media ang isa sa dalawang suspek.
Ito ay matapos bumagsak sa kamay ng Marikina City police ang suspek na si Jayvee Santos, alyas ‘Diyablo,’ 24-anyos, umano’y lider ng grupo.
Nadakip ito kahapon ng madaling-araw sa isang checkpoint sa Apitong, Barangay Marikina Heights.
Si Santos ang itinuturo ng isang saksi na lider sa panghoholdap kay Francis de Leon, 24-anyos, ADMU student na hinoldap at pinatay alas-12:40 ng madaling-araw nitong Disyembre 1 sa J. Molina kanto ng Blue Bird Sts. sa Barangay Concepcion, Marikina City.
Ayon kay Sr. Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina City police, positibong itinuro ng saksi si Santos matapos ialok sa kanya ang isang Samsung na cellphone at pinapahanapan ito ng buyer.
Sa interogasyon sa suspek, itinuro naman nito ang isang 16-anyos na kasama niya sa panghoholdap kay De Leon.
Pinuri naman ni National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar si Sr. Supt. Quesada at tauhan nito sa mabilisang pagresolba sa kaso.