Matapos ang halos tatlong taon, sisimulan na ang paglilitis kay dating Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang kinakaharap na kasong plunder dahil sa pagtanggap umano nito ng mahigit P183 milyong komisyon sa kanyang pork barrel.
Sa pre-trial proceeding sa Sandiganbayan Fifth Division kahapon, itinakda ang pormal na paglilitis kay Estrada simula sa Hunyo 19, 2017 at ipagpapatuloy ito tuwing Lunes ng kada linggo.
Nakapagsumite na ang prosecution ng supplemental list ng mga dokumento bilang ebidensya laban sa senador at binigyan lang ng korte ang depensa ng hanggang Abril 24 para magpasya kung tatanggapin o hindi ang mga dokumento.
Muling magkakaroon ng pre-trial sa Mayo 2, 2017 na magiging huli na dahil agad na sisimulan ang paglilitis laban sa senador na inakusahang tumanggap ng P183.7 milyong komisyon sa kanyang pork barrel.
Kasama si Estrada sa tatlong senador na kinasuhan ng plunder case matapos ibigay umano sa mga non-government organization (NGOs) ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles ang kanilang pork barrel funds.
Bukod sa plunder case, mayroon pang 11 counts na kasong katiwalian si Estrada dahil pa rin sa pork barrel scam subalit hindi pa ito malilitis dahil hindi pa tapos ang pre-trial sa mga kasong ito.
Nahaharap naman sa multiple plunder case at sandamakmak na kasong katiwalian si Napoles dahil bukod sa sabit ito sa kaso ni Estrada ay damay din ito sa kasong pandarambong laban kina dating Sens. Ramon “Bong” Revilla Jr., at Juan Ponce Enrile.
Sa ngayon ay umaabot na sa 2 taon at 9 na buwang nakakulong si Estrada sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center gayundin din si Napoles na binubuno na ang habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa kasong serious illegal detention na isinampa ng kanyang dating katiwala at pangunahing saksi sa pork barrel scam na si Benhur Luy.