Binawi ng Office of the Ombudsman ang isinampang kaso sa Sandiganbayan laban kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kaugnay ng pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine Nationa­l Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Batay sa dalawang pahinang resolusyon na may petsang Hunyo 24 pero kahapon lang inilabas, pinaliwanag ni Ombudsman Samuel Martires na wala siyang nakitang sapat na basehan at katibayan para kasuhan si Aquino ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at usurpation of official functions sa ilalim ng Revised Penal Code sa pagkamatay ng 44 SAF trooper.

Taliwas ito sa naunang resolusyon na nilagdaan noon ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na nagdidiin kay Aquino sa sinapit ng mga SAF trooper matapos payagan umano ang suspendidong si dating PNP Director General Alan Purisima na pumapel sa pagpaplano ng SAF operation sa Mamasapano kung saan target nila ang napatay na teroristang si Zulkifli bin Abdul alyas ‘Marwan’.

Gayunman, sinabi ni Martires na hindi ito na­ngangahulugang absuwelto na si Aquino sa Mamasapano incident.

“This is without prejudice to the filing of appropriate charges against accused after the conduct of preliminary investigation,” ani Martires.

Nabatid naman na nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Sandiganbayan 4th Division, na siyang humahawak sa mga kasong isinampa kaugnay ng Mamasapano incident, hinggil sa motion to withdraw ng Ombudsman sa mga kasong isinampa laban kay Aquino.