May panibagong reklamong drug trafficking na isinampa laban kay Senator Leila de Lima sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa paglaganap ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Bukod kay De Lima, kasamang kinasuhan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos.
Ang nagsampa ng kaso ay sina dating National Bureau of Investigation (NBI) deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala na nagsabing nagsabwatan sina De Lima at Ragos para sa kalakaran ng iligal na droga sa NBP.
Tinawag pa nina Lasala at Esmeralda na ‘Mother of all drug lords’ si De Lima kung saan nagtalaga pa umano ito ng kanyang mga tao sa loob ng NBP kasama si Ragos para makatiyak na uusad ang operasyon ng iligal na droga sa loob ng Bilibid.
Una nang inamin ni Ragos na dalawang beses siyang nagdeliber ng halagang P5 milyon sa bahay ni De Lima sa Parañaque noong 2012.
“Respondents in this case knew that what were sold and traded were all prohibited drugs. Respondents took cover from the protection granted by Sec. De Lima in order to ensure proliferation of the illegal drug trade, not only inside the Bilibid, but also from the outside,” nakasaad pa sa reklamo.
Matatandaan na una nang sinampahan ng VACC ng kaparehas na kaso si De Lima sa DOJ.