Ipinarerekonsidera ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Ombudsman ang desisyon nitong kasuhan siya kaugnay sa Mamasapano incident noong 2015 na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).

Sa 19-pahinang motion for reconsideration, iginiit ni Aquino na walang basehan ang desis­yon ng Ombudsman na kasuhan siya ng graft at usurpation of authority.

Depensa ni Aquino nilabag ng Ombudsman ang kanyang karapatan na maimpormahan siya ukol sa isinampang reklamo laban sa kanya dahil ang kasong reckless imprudence resulting­ to multiple homicide lamang ang alam niyang isinampa ­laban sa kanya.

Nanindigan si Aquino na ang kanyang ginawang­ desisyon sa kasagsagan ng Oplan Exodus ay naayon sa kanya sa kapangyarihan bilang Commander-in-Chief ng AFP at bilang Presidente.

Salig, aniya, sa kanyang kapangyarihan na kumuha ng impormasyon o kumunsulta kaninuman na makatutulong sa problema kahit pa nasa aktibong serbisyo ito o wala.