Hiniling kahapon ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa Department of Justice (DoJ) ang pagbasura sa kasong isinampa laban sa kanya ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 bilyong shabu shipment noong Mayo.
Mga miyembro ng Senate security ang nag-escort kay Faeldon nang magtungo ito sa DoJ para sa preliminary investigation na pinamumunuan ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes.
Giit ni Faeldon, ang Ombudsman at hindi DoJ ang may hurisdiksyon para imbestigahan siya.
Ginamit na batayan ng kanyang legal counsel na si atty. Jose Diño ang itinatakda ng Ombudsman law at maging ng Sandiganbayan law na nagsasaad na ang mga opisyal ng pamahalaan na tumatanggap ng Salary Grade (SG) 30 ay kinakasuhan lamang sa Ombudsman at sa Sandiganbayan.
Bukod kay Faeldon kabilang sa mga humarap sa pagdinig ng DOJ ang dating hepe ng Customs Investigation and Intelligence Service (CIIS) na si Ret. Colonel Neril Estrella, ang may-ari ng paupahang apartment na si Emily Anoche Dee, mga opisyal ng NBI at mga customs employee na isinangkot ng PDEA sa kasong paglabag sa Repubilc Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Inakusahan din si Faeldon at mga tauhan ng BOC ng obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree No. 1829 dahil sa pagtatago at pagtulong sa pagtakas ng mga taong nasa likod ng shabu shipment.
Kasama rin sa complaint sheet 11 sina BOC directors Milo Maestrecampo, intelligence officers Joel Pinawin at Oliver Valiente; Manila International Container Port district collector lawyer Vincent Phillip Maronilla; finance officer lawyer ni Faledon na si Jeline Maree Magsuci; at mga empleyado ng BOC na sina Alexandra Ventura, Randolph Cabansag, Dennis Maniego, Dennis Cabildo atJohn Edillor.
Kasong illegal drug importation sa ilalim ng R.A. 9165 ang isinampa laban sa mga importers at facilitators ng shabu shipment na sina Chen Ju Long, Chen Rong Juan, Manny Li, Kenneth Dong, Mark Taguba II, Teejay Marcellana, Eirene May Tatad, Emily Dee, Chen I-Min at Jhu Ming Jyun.
Kabilang din sa charge sheet ang mga directors at officers ng Hong Fei Logistics Inc., ang warehouse na pinagtaguan ng shabu shipment na sina Genelita Arayan, Dennis Nocom, Zhang Hong, Rene Palle, Richard Rebistual at Mary Rose Dela Cruz.