Kasong isinampa ng female personality ipinapaurong

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Nagsanga-sanga na pala ang kinauwiang kuwento ng matin­ding problemang pinagdadaanan ngayon ng isang sikat na female personality. Ayon sa aming source, siya na nga ang dehado, siya pa ang naba­baligtad ngayon.

Kung tutuusin ay ayos na sana ang problema, pero kung anu-anong kuwento pa ang pinalalabas ng kabilang kampo, du’n na narindi ang sikat na female personality.

Kuwento ng aming source habang napapailing, “Nakakaloka naman kasi ang mga kuwentong lumalabas tungkol sa kanya. Kesyo obsessed daw siya du’n sa kalaban niya, kesyo liar daw siya, hindi raw totoo ang mga ibinibintang niya!

“Aysus naman! Paano naman siya magiging obsessed du’n sa hinahabol niyang tao dahil sa malaking halagang nawala sa kanya, e, pareho lang naman ang hanap nila?

“At ang nakakaloka pa, e, pinagbabantaan daw niyang papatayin o ipapapatay ang taong ‘yun! Praning na nga ang hinahabol niya, dahil ima­gine, pinalalabas pa nilang makakayang gawin ng girl ang pagpapapatay sa kanya?” namamanghang kuwento ng aming impormante.

Sa piskalya na kailangang resolbahan ang problema nila, kailangan silang magkita nang personal, pero nasaan na ba ang taong hinahabol ng sikat na female personality?

Patuloy ng aming source, “Wala siya dito, nasa ibang bansa na siya. Uuwi lang daw siya para harapin ang female personality kapag iniurong ang lahat ng mga kasong isinampa laban sa kanya.

“Nakakaloka! Ano ito, laro? Lalantad lang siya kapag iniurong na ang mga kaso against him? Kung talagang wala siyang kasalanan, makipagtuos siya sa female personality!

“Ganu’n lang naman kasimple ‘yun! One plus one lang!” manghang-manghang pagtatapos ng aming source.

Ganu’n?

Pambubuska ni Rico J. tanggap ng publiko

Kahit pa alam na ng publiko na may problema sa puso si Rico J. Puno ay totoo namang nakakabigla pa rin ang kanyang pagpanaw. Malaking poste ng mundo ng musika ang tinaguriang Total Performer-Entertainer.

Pero wala namang sinumang makapipigil sa ganitong senaryo. Sabi nga ay dalawang pangyayari lang naman ang sigurado sa mundo. Ang tayo’y ipanganak at ang tayo’y mamatay.

Ito na ang nakatakda. Tapos na ang misyon sa mundo ni Rico J. Puno. At naging makabuluhan ang mga nakaraang panahon ng kanyang buhay.

Matindi ang pagluluksa ng kanyang mga kasamahang musikero, makabubuo kasi ng isang nobela ang mga kapwa niya performers tungkol sa pagkakilala nila sa namayapang singer, ang dami-dami nilang maaalalang anekdota tungkol kay Rico J. Puno.

Pero nawala man ang singer ay hindi ang kanyang mga awitin. Isang araw ay ihahatid na sa huling hantungan si Rico J. pero mananatiling buhay na buhay sa puso ng ating mga kababayan ang mga pinasikat niyang piyesang klasiko nang maituturing.

Nakakalungkot talaga, lalo na’t kapag nasa entablado na si Rico J. Puno ay meron na siyang sariling mundo, nagagawa niyang paglaruan kahit ang mga matataas na pinuno ng ating bayan na ikinahahalakhak naman ng kanyang audience.

Si Rico J. Puno lang ang nakagagawa ng ganu’n. Kapag ibang singers ang nagbitiw ng mga berdeng jokes sa entablado ay bastos ang dating. Kung ibang performer ang gagawa ng pambubuska niya sa mga sikat na personalidad ay parang hindi ‘yun tanggap ng publiko.

Siya lang ang may lisensiyang magbiro, maglaro at mang-asar sa kahit sino. Nag-iisa lang si Rico J. Puno. Wala siyang kaplakado.