Kasong kinasasangkutan ng mga huwes dapat ding madaliin ng SC

Todo-depensa si Supreme Court Justice Ma. Lourdes Serena sa mga judge­ na kinakaladkad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng iligal na droga.

Sa katunayan, hind­i pa rin matapus-tapos ang banatan ng dalawang pinakamatataas na opisyal­ ng ating pamahalaan dahil nito lamang bago mag-weekend ay muling binakbakan ni PDu30 ang Chief Justice nang akusahang ito ang nagpapasimuno ng anar­kiya at hindi siya.

Hindi natin masisisi si Chief Justice Sereno sa pagtatanggol sa kanyang mga kasamahan sa Hudikatur­a dahil tungkulin niya ito.

Pero kung mayroon na sanang sapat na basehan ay dapat nang kumambiyo ang Punong Mahistrado.

Katulad na lamang ng kaso ng isang hukom sa Makati Regional Trial Court na gustong ipasibak sa Korte Suprema dahil sa alegasyon ng umano’y pango­ngotong ng P15 milyon­ sa isang kumpanya ng bakal na complainant sa isang kaso laban sa limang malalaking kumpanya ng seguro na nabigong magbayad ng insurance claims.

Sa tinanggap nating record, inireklamo itong si Judge Josefino Subia, ng Branch 138 ng Makati RTC, sa SC-Office of the Court Administrator ni Abeto Uy, chairman at CEO ng Steel Corporation of the Philippines.

Nag-ugat ang reklamo ng Steel Corp., dahil napi­litan umano silang magbigay ng P7M bilang downpayment kapalit ng paborableng desisyon sa kanyang kaso laban sa limang kumpanya ng seguro.

Nakasaad pa sa pitong pahinang complaint-affidavit ni Uy sa SC-OCA noong Hulyo 20, 2016 na hindi umano tinupad ng hukom ang naging kasunduan na mapapaboran siya sa claims sa limang insurance company kaugnay sa damage na natamo ng nasunog nilang steel plant sa Balayan, Batangas noong Disyembre 9, 2009.

Ang mga inirerekla­mong kumpanya ng Steel Corp., ay ang Philippine Charter Insurance Corporation (Charter Ping An), Asia Insurance Philippines Corporation, Malayan Insurance Company Inc., New India Assurance Company­ Ltd., at MAPFRE Insular Insurance Corporation. Marso 30, 2015 nang isampa ang kaso at napunta sa sala ni Judge Subia at noong Abril 2015 naghain ng motion to dismiss ang kampo ng mga insurance company­ sa halip na bayaran ang insurance claims ng SCP.

Habang nakabinbin ang kaso, isang Rolando Palad ng Philsteel Group of Companies na nakatalaga sa Group Risk Management bilang insurance consultant ang umano’y lumapit kay Uy at sinabihang kaanak ng kanyang maybahay ang hukom at nag-alok umano ito na idi-deny ang motion to dismiss ng mga insurance company kung magbibi­gay siya ng P15M.

In-short nagkasundo ang dalawa pero P7M ang naging paunang bayad dahil isusunod na lamang umano ang natitirang P8M. Ang paunang P7 million, ani Uy, ay kanyang iniabot kay Palad sa loob ng kotse na nakaparada sa parking area ng SCP.

In fairness ibinasura naman daw ni Judge ang Motion to Dismiss ng mga insurance companies noong Enero 18, 2016 pero natanggap lang ng abogado ang SCP ang order noong Enero 26.

Agad namang naghain ng Motion for Reconsideration and Motion for Inhibition ang mga kumpanya ng seguro na muling ibinasura ni Subia noong Marso 21, 2016 pero muling naghain ng MR ang mga insurance companies noong Abril 19.

Sa hindi malamang kadahilanan ay biglang nagpa­labas ng order si Subia noong Abril 26, 2016 na nag-inhi­bit sa kanyang sarili sa kaso at ipinalipat ang record ng kaso sa Office of the Exe­cutive Judge para sa re-raffle.

Sa pananaw ng isang ordinaryong mamamayan, hugas-kamay ang nangyari. Pero ang tanong wala pang aksyong maaaring gawin sa kasong ito ang SC chief?

Para sa akin, kailangan itong aksyunan lalo na’t mas­yado nang nadudungisan ang imahe ng ating hudikatura dahil sa ganitong klaseng mga eskandalong kinasasangkutan ng mga huwes.

Sa panig naman ni Judge Subia, tingin ko ay dapat niyang linisin ang kanyang sarili dahil nadadamay sa kanyang kinakaharap na kaso ang buong Hudikatura.

Kaya wait and see na lang tayo sa kasong ito na sana ay maaksyunan agad at hindi masama sa mga tila usad-pagong na pag-usad ng mga kaso sa mga korte.