May tinututukan nang lead ang Southern Police District (SPD) sa kaso ng pagpatay kay Pasay City Councilor Borbie Rivera matapos itong pagbabarilin noong Sabado ng gabi sa parking area ng SM Southmall sa Las Piñas City.
Ayon kay SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario, tinitingnan nila ang anggulo sa pagpaslang kay Rivera na dahil sa dating kasong murder laban dito at sa pito pa nitong kasamahan na naganap noong taong 2015 sa Makati City.
Sinabi ni Apolinario, si Rivera at pito pang kasamahan nito ay sinampahan ng kasong murder sa sala ni Makati Regional Trial Court Judge Winlove Dumayas ng Branch 59 dahil sa pagpatay kay Mark Felizardo Baggang may dalawang taon na ang nakakalipas.
Aniya, naabsuwelto si Rivera sa kaso makalipas ang dalawang taon, habang tuloy naman ang kaso laban sa kanyang mga kasamahan.
Bukod pa sa kasong murder na kinakaharap ni Rivera ay sinampahan din ito ng kasong illegal possession of firearms matapos madakip sa isang checkpoint sa Magallanes Interchange sa Makati City.
Ngunit nang masampahan ng kaso at makalusot si Rivera ay dito na nag-umpisa ang mga pagtatangka sa kanyang buhay.
Unang hinagisan ng granada ang kanyang bahay sa Barangay 112 Zone 12.
Pangalawa naman noong Hunyo 23 na kung saan pinagbabaril ito ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa harapan ng Titan KTV Bar sa Macapagal Avenue at masuwerteng nakaligtas sa kamatayan.
At itong pangatlong ay minalas nang masawi si Rivera matapos pagbabarilin sa parking area ng SM Southmall nitong Sabado ng alas-8:45 ng gabi.