Kasuhan kung sangkot at may ebidensya

“Kung talagang sangkot sa droga at may ebidensiya ay dapat kasuhan.”

Ito naman ang sa tingin ni Senador Bam Aquino na dapat gawin na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagdadawit nito kay Senator Leila De Lima sa illegal drug trade sa halip na tirahin pa ito sa mga  personal na bagay.

Ayon kay Senator Aquino humantong sa mga personal na bagay ang tirahan at banat ng Pangulo sa lady senator na hindi na umano maganda sa bansa.

“Humantong na sa mga personal na bagay-bagay. Kung may mga issues na ilegal na gawa,  magkasuhan tayo. Pero kung ganyan na personal iyong mga batuhan, palagay ko hindi siya maganda para sa bayan”, ani Aquino na ang tinutukoy ay ang pag-ungkat pa sa lovelife ng senadora.

Sinabi pa ng senador na dapat umanong huwag kalimutan ng Pangulo na hindi lamang ang pagsugpo sa droga ang pagtuunan pansin dahil hindi lang naman ito ang isa sa mga problemang kinakaharap ng bansa.