Kasunduan ng Pilipinas sa Kuwait para sa mga OFW may epekto ba?

For the Record by Aileen Taliping

Aileen Taliping

Malaking tanong nga­yon sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa Kuwait kung nakakasiguro ba sila sa kanilang kaligtasan matapos mapaulat na mayroon na naman isang overseas Filipino worker na nabiktima ng pang-aabuso nang halayin ito ng isang manyak na Kuwaiti police.

Hindi pa ganap na nalimutan ng mga OFW ang malagim na sinapit ng kapwa nila kababayan na pinatay ng amo at isinilid sa freezer sa Kuwait ay heto na naman ang panibagong insidente ng pang-aabuso sa isang Pinay.

Tila ba walang bisa ang memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan ng Pilipinas at Kuwait noong May 2018 na nagbibigay-garantiya sa seguridad at kaligtasan mula sa posibleng pang-aabuso ng kanilang mga amo dahil isang taon lang ang nakalipas ay laman ng balita ang panghahalay sa isang Pinay.

Bagama’t kumikilos na ang mga opisyal ng embahada para maaresto ang rapist na Kuwaiti police, hindi ito garantiya para maging kampante na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari.

Bagama’t ang kasunduan ay nakasentro sa maayos na pagtrato ng mga amo sa mga OFW, wala sa hinagap ng embassy officials na isang alagad ng batas ang gagawa ng masama sa isang Pinay worker.

Wala pang direktang pahayag si Pangulong Rod­rigo Duterte sa sinapit ng Pilipina subalit sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na tiyak na ikagagalit ito ng Presidente dahil ayaw na ayaw nitong inaapi ang mga manggagawang Pinoy.

Matatandaang ipinatigil ng Presidente ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait matapos matuklasan ang karumal-dumal na pagpatay kay Joanna Demafelis ng kanyang mga amo at isinilid ito sa freezer at naalis lamang ang dep­loyment ban matapos pumayag ang Kuwaiti government sa mga itinakdang kundisyon ng Presidente.

Hinihintay pa ng Pa­ngulo ang report mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at maging kay Labor Secretary Silvestre Bello III kung ano ang naging aksyon sa kaso ng inabusong OFW.

Sa ilalim ng ‘Agreement on Employment of Domestic Workers between the Government of the State of Kuwait and the Government of the Republic of the Phi­lippines,’ na nilagdaan ng mga opisyal na kinatawan ng dalawang bansa, nakapaloob dito ang kooperasyon, responsibilidad ng dalawang bansa at pagresolba sa mga hindi pagkakaintindihan sa mga OFW at kanilang mga employer.

Nakapaloob din sa MOA ang pagbuo ng isang joint committee na kakatawanin ng mga senior officials ng Pilipinas at Kuwait kayat umaasa ang Malacañang na magkakaroon ng maagap na kalutasan ang sinapit ng OFW at maparusahan agad ang manyak na Kuwait police.

Sinabi noon ng Pa­ngulo na hindi niya hahayaang maabuso at maapi ang mga Pilipino lalo na ang mga nasa ibang bansa, at kung magpapatuloy ang ganitong pagtrato sa mga mangaggawang Pinoy ay pauuwiiin na lamang niya ang mga ito at gagawan ng paraan na magkaroon ng maayos na trabaho ang mga ito sa bansa.