Lumagda ang Pilipinas at Brunei nitong Huwebes ng dalawang dokumento sa ginawang state visit ni Sultan Hassanal Bolkiah sa bansa na sumasaklaw sa cultural cooperation at halal industry.

Sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Sultan Hassanal Bolkiah ang paglagda sa mga dokumento sa Malacañang.

Si National Artist for Literature at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) chairperson Virgilio Almario at counterpart nito sa Brunei ang lumagda sa kasunduan sa cultural cooperation.

Ang kasunduan naman sa halal industry ay nilagdaan ni Trade Secretary Ramon Lopez at counterpart mula sa Brunei.

Nauna rito ay personal na sinalubong ni Duterte sa Malacañang si Sultan Bolkiah.

Ang state visit ni Bolkiah na nagsimula kahapon ay napakahalaga para, ayon kay Pangulong Duterte, sa kanya dahil si Bolkiah ang kauna-unahang ASEAN leader na nag-state visit sa Pilipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Kitang-kita naman sa mukha ni Sultan Bolkiah ang kasiyahan sa mainit na pagsalubong sa kanya gayundin ng mga batang nakiisa sa pagtanggap sa kanya sa Malacañang.

Sinabi naman ni Pangulong Duterte na ang pagbisita ni Bolkiah ay hudyat ng patuloy na magandang bilateral relation ng dalawang bansa.

Isang state dinner naman ang inihanda ng Malacañang para kay Bolkiah na dadaluhan ng kanyang buong delegasyon at mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas.