God really works in mysterious ways.

Ito ang agad nating nasambit matapos na­ting mabalitaan na hinatulan in absentia ng parusang kamatayan ng Kuwaiti court ang mag-asawang pumaslang sa ating kababayan na si Joanna Demafelis.

Nasabi natin ito dahil ang hatol sa mag-asa­wang dating mga amo ni Joanna ay ibinaba, ayon sa ulat ng Agence France-Presse, noong Abril 1. Ito ay pumatak sa pagdiriwang nating mga Kristiyano ng ‘Linggo ng Pagkabuhay’ ng Panginoong Hesukristo.

‘Swift justice’ itong maituturing dahil sa natagpuan ang bangkay ng 29-anyos na si Joanna sa freezer ng isang apartment sa Kuwait City noong Pebrero, naaresto ang mag-asawa (Lebanese ‘yung lalaki at Sy­rian ‘yung babae) bago matapos ang buwang ‘iyun, at heto, nahatulan na agad sila. Mas mabilis sa normal, ‘di ba?

Parang wala po yata tayong naaalala na mayroong ganitong pangyayari, kung mayroon man, na nagdesisyon agad ang isang korte sa abroad sa unang araw pa lang ng pagdinig ng kasong pagpatay sa isang OFW at ang desisyon pa ay pabor sa biktima.

Sana naman mag-iwan ito ng takot sa mga employer sa Middle East man o sa ibang lugar at maghunos-dili muna kung may maitim silang balak o may plano silang maltratuhin ang ating mga kababayang na­ngangamuhan sa kanila.

Dito naman sa atin, aba’y pursigihin dapat ng pamahalaan na magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng mga bansang may OFWs para sa proteksiyon ng ating mga manggagawa.

Kamakailan ay ina­prubahan ng mga senador, isa po tayo sa lumagda, ang isang resolusyon na nagpapahayag ng sentimiyento ng Senado na dapat i-ban ang pagpapadala ng OFWs sa mga bansang hindi nagbibigay sa mga dayuhang manggagawa o migrant workers ng proteksiyon.

Kasabay nito, rebyuhin, rebisahin, at baguhin kung kinakailangan ang ating deployment policy at tiyakin na hindi ‘nakatapak sa hukay ang isang paa’ ng bawat OFW habang nagtatrabaho abroad.

Mayroon din tayong panukalang batas na naglalayong magkaroon ng legal assistance fund para sa mga OFW na may kinakaharap na kaso sa bansang kanilang pinagtatrabahuan. Sana naman maipasa na ito.

At siyempre, nanana­wagan tayo sa ating mga kapwa Pilipino na patuloy na magdasal para maging lubos at ganap ang katarungan para kay Joanna na makakamtan lamang kung maipapatupad ang hatol ng Kuwaiti court laban sa dalawang sentensiyado.

Sa pamilya, kamag-anak, mga kaibigan, at lahat ng nagmamahal kay Joanna, umaasa po tayo na sana ang hatol, kahit papano, ay makabawas sa sakit ng damdamin at lungkot na kanilang dinaranas.