RODEL FERNANDO: Marami ang mga umaasa at nangangarap na sana ay magsamang muli sa isang movie ang dalawang reyna na sina Superstar Nora Aunor at Star For All Seasons na si Vilma Santos.
Ilang dekada na rin ang lumipas nang magsama sila sa mga pelikulang ‘T Bird at Ako’ at ‘Ikaw Ay Akin.’
Actually, may nabalitaan nga ako na may isang sikat at premyadong direktor na gusto silang pagsamahin sa pelikula. Makakasama sana nila ang isang beteranong aktor na naging parte ng buhay at karera nila pero mukhang hindi ito matutuloy.
Sayang, napakalaki sana nito dahil bukod sa aktor ay may dalawa ring sikat na young star ang isasama sa pelikula. Pero, huwag pa ring mawawalan ng pag-asa ang mga nagmamahal sa dalawang aktres dahil okey naman sa kanila na gumawa ng pelikula together.
Siguro, sa mga panahong ito ay may mga bagay na dapat ayusin o kaya hindi magtugma ang mga sked ng dalawang higanteng artista kaya ‘yung plano ng magaling na direktor ay imposible pang mangyari.
ROMMEL PLACENTE: Kahit kami ay umaasa, friend Rodel, na muling magsama sa isang pelikula ang Superstar at Star for All Seasons. Iba pa rin kasi na makita silang dalawang na magpapatalbugan sa pag-arte. Siguradong pag nangyari ‘yun mapapagkumpara silang dalawa kung sino ang mas lumutang sa pag-arte at kung sino ang nilamon. At siguradong magkakanya-kanyang opinyon na naman ang mga Noranian at Vilmanian. Sasabihin ng mga maka-Nora mas magaling sa movie si Ate Guy at sasabihin naman ng mga maka-Vilma ay mas magaling si Ate Vi. Siyempre, mas pupurihin nila ang kani-kanilang idolo, ‘di ba? Sayang nga lang at ‘di pa natutuloy ang plano ng isang magaling na direktor na muli silang pagsamahin sa isang pelikula. Siguro nga busy pa kapwa sina Ate Guy at Ate Vi kaya ‘di pa ‘yun nangyayari. Si Nora kasi ay nagti-taping para sa serye niyang ‘Onanay’ while si Ate Vi hindi man siya napapanood sa pelikula at telebisyon ngayon ay busy naman siya sa kanyang political career bilang isang congresswoman.
Pero ang tanong, kung magsasama kaya muli sila sa isang pelikula, kumita naman kaya ito sa takilya once maipalabas na? Natatandaan kasi namin na nu’ng sikat na sikat pa ang dalawa, nu’ng magsama sila sa T Bird at Ako ay so so lang ang kinita nito sa takilya, ngayon pa kaya. Sa aminin natin o hindi, ay hindi na sila ganun kasikat na ang uso na ngayon ay ang mga batang artista especially ‘yung mga loveteam gaya ng KathNiel, LizQuen at JaDine. Pero sana nga ay kumita ang pelikulang muli nilang pagsasamahan. Basta maganda ang trailer ay maeengganyo rin naman ang mga millennial na manood. Tulong din naman kasi sa isang pelikula na maaakit ang manonood ‘pag maganda ang trailer ng isang pelikula, ‘di ba?
MILDRED BACUD: Agree naman ako sa inyo, mga friends, na kapag pinagsama sina Ate Vi at Ate Guy sa pelikula ay tiyak tatangkilikin pa rin. Hindi rin naman sinasara ng dalawa ang posibilidad na ito. Naalala niyo, grabe ang impact sa publiko ng pareho silang parangalan sa 33rd PMPC Star Awards for Movies no’n bilang mga awardee ng “Ginintuang Bituin Ng Pelikulang Pilipino,” dahil sa higit 50 years nila sa showbiz. Sabi nga ni Nora, “Kung mayroong magandang proyekto na parang “T-Bird at Ako” na naayon o tumutugma sa amin, sa aming dalawa ay bakit hindi?”
Grabe pinag-usapan ang bihirang pagsasamang iyon ng dalawa sa naturang awards night. Ibig sabihin lamang buhay na buhay pa rin ang kanilang rivalry.
Mga fan lang naman ang nag-aaway for them pero sa totoong buhay ay magkaibigan naman sila.
No problem with the millennials dahil visible pa naman sila sa showbiz at si Ate Vi naman bagaman madalang na ang mga project, aktibo pa rin sa politika. Suhestiyon lang siguro na kapag nagsama sila sa pelikula ay haluan ng mga artista o loveteam na sikat ngayon like KathNiel, JoshLia o LizQuen o puwede rin naman si Coco Martin, Sarah Geronimo at Piolo Pascual.
RONALINE AVECILLA: Sang-ayon din ako na pagsasamahin sina ate Vi at ate Guy.
Pero agree din ako kay ate Mildred na mas magiging bongga kung magsasama sila ng loveteam na sikat.
Para mas maging malawak ang target ng audience. Mas magiging maganda ang impact.
Imagine, Superstar, Star for All Seasons at dadagdagan pa ng pamosong love team ngayon. Siguradong papatok sa takilya kung sakaling mabuo ang pelikula.
Well, sana lang very soon ay maisakatuparan ito. Tiyak marami rin ang nag-aabang sa comeback film ni Ate Vi na nami-miss na rin ng mga Vilmanian.