WORLD LUPUS DAY kahapon, Mayo 10, na saktong 35th birthday ng butihing founder ng Hope for Lupus Foundation at DIWA Party-list Representative na si Ms. Emmeline Aglipay-Villar.
Kaya may pa-surprise para kay Congresswoman Em kahapon ang kanyang mister na si DPWH Secretary Mark Villar.
Ayon kay Sec. Villar, na-depress ang kanyang wife dahil hindi natuloy ‘yung mga event dapat ng Hope for Lupus Foundation tulad ng book launch, atbp.
Kaya gumawa siya ng event para i-celebrate ang kaarawan ng kanyang maybahay kasama ng mga kapwa nito lupus warrior.
Taong 2007 nang ma-diagnose si Congw. Em na may lupus at ito ang naging dahilan para itatag niya ang HFL Foundation na instrumento sa pamamahagi ng kaalaman hinggil sa nasabing sakit.
Natuwa ang maybahay ni Sec. Mark sa naisip niyang munting selebrasyon kung saan binigyan niya ng inspirational gifts ang mga dumalong lupus warriors.
May biyahe pa-Cambodia si Sec. Mark kasama si Pangulong Digong Duterte kahapon at diretso na siya sa airport after the event.
The night before ay nag-birthday dinner na sila ng kanyang wifey.
Aminado siyang isang challenge ang magkaroon ng asawang may lupus, pero mahal na mahal niya si Em kaya hindi ito problema para sa kanya.
Aniya, maraming prayers ang kailangan at sobrang thankful siya na kahit may lupus si Em ay biniyayaan sila ng isang daughter, ang napaka-cute na si Emma Therese Villar na kasama nila kahapon.
Nagpi-flare ngayon ang lupus ni Congw. Em, kaya todo-dasal si Sec. Mark na sana ay magkaroon ulit ng remission ang sakit nito.
Payag ang butihing Kalihim na isapelikula o isatelebisyon ang kuwento nilang mag-asawa, pero sabi niya ay pasimula pa lang ang kanilang love story kaya masyado pang maaga para rito.
Nang matanong kung sino ang gusto niyang gumanap bilang siya kung sakali, ang natatawang sagot niya ay si Daniel Padilla. So, puwede na si Em ay si Kathryn Bernardo.

Maraming pumupuri sa trabaho ni Sec. Villar sa DPWH. Aniya, marami pa silang plano at malaki ang budget ng kanilang tanggapan para sa maraming projects.
Mabigat ang trabaho, pero kaya niya naman. Kailangan na raw kasi nating habulin ang ibang bansa dahil napag-iwanan na tayo pagdating sa infrastructure.
Nangako siyang masu-solve ang traffic sa Metro Manila in 2 to 3 years. Nakalatag na raw ang roads kaya madi-decongest na ang kalakhang Maynila.
Hindi lang daw ito puro salita, may plano talaga at may pondo. As in buhos ang mga proyekto ng gobyerno para maresolba ang problema sa trapiko.
***
Bago namin pinakawalan si Sec. Mark ay hiningan namin siya ng reaksyon hinggil sa pagkakatalaga kay Mocha Uson bilang Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
As usual ay umani ng matinding bashing ang bagong appointment na ‘yon ng sexy singer-celebrity blogger.
Bilang miyembro ng gabinete ni PDu30, anong masasabi niya rito?
“I think we should give her a chance. I’ve talked to her a few times, she seems… she’s very friendly. She’s very masipag.
“So, wala naman akong nakikitang problema sa appointment ni Mocha.
“Ang sa akin, that’s the prerogative of the President kung sino ang gusto niyang i-appoint.
“And I’ve talked to her a few times, mabait naman si Mocha, eh. Let’s give her a chance to do a good job.”