Kathryn, Alden ibibida sa Cannes

Patuloy ang pagpapakitang-gilas ng ABS-CBN sa Global Film industry dahil ibibida nito ang highest-grossing Filipino film na “Hello, Love, Goodbye” sa Cannes, France para sa 2019 MIPCOM, isang pagtitipon ng movie producers at ibang propesyonal sa larangan ng pelikula.

Matatandaang nakapagtala ang pelikula na pinagtambalan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ng worldwide gross na P880 million. Pinuri rin ito ng mga manonood at movie critics dahil sa magandang takbo ng kuwento at sa husay ng pag-arte ng cast.

Kabilang din sa mga ibibidang programa ng Kapamilya network sa Cannes, France ang “Kadenang Ginto”, “Sino Ang May Sala? Mea Culpa” at “Kadenang Ginto”.

Isang taunang trade event sa France ang MIPCOM, kung saan nagtitipon ang content producers, buyers, financiers, at distributors sa larangan ng entertainment at advertising sa buong mundo.

Mga journalist ng ABS-CBN pinuri

Umani ng parangal ang mga mamamahayag ng ABS-CBN na sina Christian Esguerra, Jorge Cariño, at ang ABS-CBN News Digital team mula sa mga lokal at internasyonal na organisasyon dahil sa kanilang ipinamalas na galing sa pagbabalita.

Ginawaran si Esguerra ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ng 2019 award of distinction para sa kanyang walang pagod na pagpapaliwanag sa mga pangyayari at isyu na kinahaharap ng mga Pilipino.

Isang anchor sa ABS-CBN News Channel (ANC) si Esguerra, na lumalabas din sa iba’t ibang newscast ng ABS-CBN. Gumagawa rin siya ng maiikling video para sa proyektong “NXT” ng ABS-CBN News na naghihimay sa mga maiinit na usapin sa lipunan.

Noong Hunyo naman tinanggap ng beteranong reporter at anchor ng “Umagang Kay Ganda” na si Jorge Cariño ang Television Male Reporter of the Year award mula sa Rotary Club of Manila (RCM). Taon-taong nagsasagawa ang RCM ng Journalism Awards para kilalanin ang mga kontribusyon ng mga natatanging indibidwal sa media upang himukin ang maayos na pag-unlad ng periyodismo sa bansa.

Nagsimula si Cariño bilang Radyo Patrol reporter sa DZMM at nakilala sa kanyang malikhaing paglalahad ng mga istorya sa likod ng malalaking balita sa bansa.

Hindi rin nagpahuli ang ABS-CBN News Digital na pinarangalan sa Society of Publishers in Asia (SOPA) 2019 Awards for Editorial Excellence sa Hong Kong noong Mayo.

Nakakuha ng Honorable Mention ang mga multimedia special report na “Stories From Under the Rubble: Inside the Battle of Marawi” at “The Boracay Project”, na likha ng team sa pangunguna ni Fernando Sepe Jr. kasama sina Pamela Ramos, Gigie Cruz, at Regie Francisco.

Bahagi rin ng Marawi report sina Jonathan Cellona, Val Cuenca, Gian Carlo Roman, Dominic Menor, Jojo Malig, Isagani de Castro Jr., at ang sumulat nito na si Patrick Quintos. Para naman sa “Boracay Project”, kasama ring gumawa nito ang writer na si Katrina Domingo, at mga editor na sina Menor at De Castro.

Abangan ang mga kuwento mula sa award-winning journalists ng ABS-CBN sa TV sa ABS-CBN, ANC, DZMM Radyo Patrol 630, at DZMM TeleRadyo, at online sa news.abs-cbn.com, patrol.ph.

Kapamilya umani ng gold, silver award

Parami nang paraming Pinoy ang nakatutok at nanonood ng balita, mga palabas, at mga paborito nilang Kapamilya stars online dahil umabot na sa higit sa 20 milyong Kapamilya ang naka-subscribe sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel – doble sa naitala nito noong nakaraang taon na naging dahilan sa makasaysayang pagkilala rito bilang kauna-unahang channel sa bansa na nagkamit ng 10 milyong subscribers.

Matapos itong gawaran noong 2018 ng YouTube ng Diamond Creator Award, na ibinibigay sa mga channel na may sampung milyong subscribers, ito na ang pangalawang most subscribed channel sa Southeast Asia kasunod ng Thai TV network na Workpoint. Bukod naman sa pagiging numero unong YouTube channel sa loob ng bansa, nakapasok na rin ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel sa Top 50 most viewed YouTube channels sa buong mundo.

“Lubos ang pasasalamat namin sa 20 milyong Kapamilya na nakagawian nang araw-arawin ang panonood ng iba’t ibang uri ng content na inilalabas namin sa YouTube. Patunay lamang itong patuloy nilang sinusubaybayan ang aming mga programa, pelikula, Kapamilya stars, at sari-saring videos hindi lang sa TV, kundi pati na sa aming online platforms. Gagawin namin itong inspirasyon sa pagpoprodus pa ng videos na gusto nilang panoorin at ulit-ulitin,” pahayag ni Elaine Uy-Casipit, ang head ng ABS-CBN digital media division.

Nitong Setyembre 18, mayroon nang 21.7 milyong subscribers ang naturang channel.

Patunay rin na makabuluhan, nakaaaliw, at nakapupukaw ng damdamin ang videos ng 44 Kapamilya YouTube channels na nakatanggap na ng Gold Creator Award, na binibigay sa mga channel na nakapagtala ng isang milyong subscribers, pati na Silver Creator Award, para naman sa mga channel na may higit sa 100,000 subscribers.

ABS-CBN din ang nagmamay-ari ng ikalimang most subscribed channel sa bansa na ABS-CBN News, na ngayon ay nagtatala na ng 6.8 milyong subscribers at higit sa 4 bilyong views. Kasali rin sa top channels ng ABS-CBN ang Star Music (3.6 million subscribers), “Pinoy Big Brother” (3.2 million), Star Cinema (2 million), “Pilipinas Got Talent” (1.7 million), “The Voice Kids Philippines” (1.7 million), ang katatapos lang na “Idol Philippines” (1.4 million), at The Gold Squad (1 million)—na nakamit na ang Gold YouTube Creator Award na iginagawad sa mga channel na nagtala ng higit sa isang milyong subscribers.

Humakot naman ng Silver YouTube Creator Awards ang Kapamilya talent-reality, game, at variety shows tulad ng “The Voice of the Philippines,” “Little Big Shots,” “Your Face Sounds Familiar,” “The Voice Teens,” “I Can See Your Voice,” “World of Dance Philippines,” “Minute to Win It” at “It’s Showtime” sa paglagpas ng mga ito ng 100,000 subscribers.

Nasa Silver rank na rin ang ibang ABS-CBN channels na naghahatid ng mga balita, musika, pelikula, palabas, at updates tungkol sa Kapamilya stars tulad ng ABS-CBN News Channel (ANC Alerts), ABS-CBN Sports, Cinema One, Jeepney TV, Metro.Style, MOR 101.9 For Life!, MYX Philippines, The Filipino Channel, One Music PH, TNT Versions, Star Magic, Adober Studios, Yey Channel, at iWant.