KATHRYN, ENJOY SA BAKBAKAN

Daniel Padilla at Kathryn Bernardo

Level up ang fan experience ng mga duma­lo sa AsiaPOP Comicon (APCC) Manila dahil game na game na sinagot ng La Luna Sangre cast (Richard Gutierrez, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla) ang kanilang mga katanungan at ibinahagi kung gaano nila pinaghihirapan ang maaksyong fight scenes.

Hot topic ang stunts at fight scenes ng cast na ayon kay Kathryn ay pinipilit nilang gawin hangga’t kaya.

“Yung napapanood n’yo sa TV na two mi­nutes lang, grabe namin gawin ‘yun.

“Minsan, inaabot ng isang araw just to do it. Minsan may double pa naman pag sobrang kumplikado na pero hangga’t kaya ay ginagawa namin.

“Mahirap talaga siya. Ang importante, nae-enjoy namin ‘yung fight scenes at nae-enjoy ninyong mga nanonood,” paliwanag ni Kathryn.

Ibinahagi ni Daniel na marami na siyang natutunan sa kanilang trai­ning ngunit kailangan niya pang magamay ga­mitin ang sandatang stick ni Tristan sa pakikipaglaban.

“Natutunan ko mag-360 back flip tapos mag-back roll pag-land ko.

“Natutunan ko rin iyong pag-handle ko ng weapon ko na long stick. Pero andoon pa rin ako sa learning process.

“Hindi pa naman magaling na magaling,” sabi ni Daniel na pinarangalan kamakailan bilang Movie Actor of the Year sa PMPC Star Awards for Movies para sa Barcelona.

Nang tanugin ng isang fan ang writer ng show na si Aeious Asin kung may papasok na ibang mythical characters sa programa bukod sa mga lobo at bampira, sagot ni Aeious, “Lagi namang may possibility.

“Iyan naman ang strength ng show. Mara­ming pwede laruin na magpapa-rich pa sa story.”
Kasama rin ang cast members na sina Ina Raymundo, Khalil Ramos, Bryan Santos, Pat Sugui, Joshua Colet, Joe Vargas at Francis Magundayao sa panel interview.

***

Coco Martin
Coco Martin

ABS-CBN pa rin ang na­nguna sa buong bansa sa pagbabahagi ng mga kuwentong puno ng aral at mga makabuluhang balita sa mga manonood noong Agosto.

Ayon ito sa datos ng Kantar Media, kung saan nakakuha ang Kapamilya network ng average audience share na 46% sa pinagsamang rural at urban homes, kumpara sa 33% ng GMA.

Numero uno pa rin sa listahan ang FPJ’s Ang Probinsyano (38.6%) at mas pinasasabik pa ang lahat ngayong napasok na ni Cardo (Coco Martin) ang kuta ng rebeldeng grupong Pulang Araw.

Sinundan ito ng Little Big Shots (35.9%) na lubos na nagpahanga sa mga manonood sa talino at ta­lento ng mga bata tuwing weekend.

Patuloy na kinapitan ang kuwento nina Tristan (Daniel Padilla) at Malia (Kathryn Bernardo) sa La Luna Sangre (33.7%) sa mas umiinit nilang laban upang sugpuin ang mortal nilang kalabang si Supremo (Richard Gutierrez).

Pinakapinanood na news program sa bansa ang TV Patrol (32.5% ).

Bumida rin sa tele­bisyon ang Wansapanataym (28.1%) kung saan bida si Awra bilang Super Ving.

Patuloy ang pagbabahagi ng MMK (27.4%) ng mga istoryang pinag­huhugutan ng inspiras­yon ng mga manonood tuwing Sabado.

Isa sa mga pinakapinag-usapang palabas noong Agosto ang Wildflower (25.3%), partikular ang ‘wildest wedding’ nito.

Pasok din sa listahan ang Kapamilya comedy programs na Home Sweetie Home (24.9%) na sumasalamin sa tibay at saya ng pamilyang Pilipino, at Goin’ Bulilit (22.7%) na sampung taon nang nagpapaligaya sa mga manonood.

Naghari ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks noong Agosto, partikular na sa primetime (6:00 PM-12:00 MN), kung saan nakakuha ito ng average national audience share na 50%, kumpara sa 31% ng GMA.

Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang mala­king parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.