Lourdes Fabian
Nagawa pang ngumiti ni Katie Holmes nang makunan siya ng paparazzi sa New York. Kasama niya ang kanyang 12-anyos na anak na si Suri Cruise.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita si Katie mula nang inihayag ni Jamie Foxx sa after-party ng Oscars Awards na siya ay “single.”
Nagkataong maraming babae sa entablado kaya nakipagsayaw siya sa kanila. Ang intindi ng mga tao sa sinabi niya ay wala siyang asawa. Doon na nagsimulang kumalat ang balitang baka nagkahiwalay na sila ng long-term girlfriend na si Katie.
Mas lalong tumibay ang sapantaha ng marami nang makita si Jamie na masaya. Halatang nag-i-enjoy sa isang dinner date kasama ang kanyang mga kaibigan sa Mr. Chow resto sa Beverly Hills.
Marami rin ang nakakita sa 51-anyos na aktor habang yakap ang isang babaeng kaibigan. Naganap ito sa labas ng isang kainan bago umuwi sa kanyang bahay nang gabing iyon.
Wala naman kasing opisyal na kumpirmasyon ang dating A-list couple pagdating sa status ng kanilang relasyon.
Gayunpaman, madalas silang nakikitang magkasama noon sa mga dinadaluhang pagtitipon sa showbiz. Nakukunan sila ng larawan na sapat na para masabing may namamagitang espesyal sa kanila.
Noong Setyembre 2017 ay nakunan sila ng larawan habang magkahawak ang mga kamay sa isang beach sa Malibu habang naglalakad. Noong Hulyo 2018, para na rin nilang nakumpirma ang kanilang relasyon dahil sa sobrang PDA, na may pahalik-halik pa sa labi habang naglalaro sa buhangin.
Hindi naman kaila sa maraming tao na sina Jamie at Katie ay napaka-pribado pagdating sa kanilang relasyon. Naniniwala ang mga taong malapit sa dalawa na nagkarelasyon sila isang taon pagkatapos makipaghiwalay ang aktres kay Tom Cruise noong 2013.
Anyway, malabong makakuha ng kumpirmasyon ngayong nababalitang hiwalay na ang dalawa. Hindi nga sila umamin noong nagdi-date pa lamang sila, ngayon pa kayang naghiwalay na sila?