Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang dalawang lalaki na isinasangkot sa pagkamatay ng isang lady sales supervisor sa San Pablo City, Laguna na unang inakala na namatay sa atake sa puso.
Ito ay matapos lumabas sa awtopsiya sa biktima na bali ang leeg nito.
Batay sa rekord ng San Pablo City police, nadiskubre ang wala nang buhay na katawan ng biktimang si Leslie Santos, 26-anyos, sa loob ng kanyang kuwarto noong Pebrero 18.
Sa inisyal na imbestigasyon, walang nakitang sugat sa katawan nito, walang nawalang gamit at wala ring palatandaan na puwersahang pinasok ang bahay kaya inakala na namatay ang biktima dahil sa atake sa puso.
Pero nang lumabas na ang autopsy report, naniniwala si Police Supt. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo Police, na may foul play sa kaso.
Ayon dito, posibleng kilala ng biktima kung sino ang suspek.
Sa tulong ng isang testigo, itinuro ang umano’y huling tao na nakitang pumasok sa bahay na si Ryan dela Rosa, ang katiwala ng pamilya. (Ronilo Dagos)
Ang sinasabing kaibigan at kasama umano ni Dela Rosa sa krimen na si Jordan Bautista na unang nadakip ay pinakawalan ng piskalya dahil labis na sa itinakdang reglementary period.
Hinihinala ng pulisya na panggagahasa ang pakay ng mga suspek kay Santos pero hindi natuloy nang namatay kaagad ang biktima.