Dalawang kalalakihan na kinabibilangan ng umano’y isang empleyado ng Quezon City-Department of Public Order and Safety (QC-DPOS) ang pinagbabaril hanggang sa mapatay makaraang pasukin sa kanilang bahay habang natutulog ng mga armadong kalalakihan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Sa report na ipinarating kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, nakilala ang mga nasawi na sina Mark Marvin Martin Sicat, 24, binata, miyembro ng DPOS ng QC government; at Rene Langaylangay, 40, binata, construction worker, may live in partner, kapwa naninirahan sa No.15-Compound General St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masangkay ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ng QCPD nangyari ang krimen dakong-1:15 ng madaling-araw sa bahay na tinutuluyan ng dalawang biktima habang mahim­bing na umanong natutulog ang biktimang si Langaylangay at kinakasama nitong si Lorna Aguinaldo sa isang kuwarto nang magi­sing ang huli dahil sa mga katok sa pintuan.

Agad na bumangon si Aguinaldo at binuksan ang pinto subalit puwersa­han umanong pumasok ang dalawang armadong suspek saka tinanong si Langaylangay kung ano ang pangalan nito.

Sumagot naman umano si Langaylangay ng “Rene po!” sa puntong ito ay lumabas ng bahay si Aguinaldo at ilang sandali pa umano ay umali­ngawngaw na ang mga putok ng baril.

Ilang sandali ay lumabas na rin ang dalawang suspek at tumakas patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Bumalik si Aguinaldo sa kanilang bahay at dito na tumambad sa kanya ang duguang bangkay ng kinakasama habang nadiskubre rin ang duguang bangkay ni Sicat sa kama nito na noon ay natutulog sa kabilang kuwarto.

Blangko pa ang CIDU sa tunay na motibo sa krimen kung kaya’t patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.