SA trailer ng pelikulang Higanti na mauuna munang mag-gala premiere sa Hong Kong, Japan, Singapore, Dubai (United Arab Emirates) at Milan (Italy), may confrontation scene ang characters nina Assunta de Rossi at Katrina Halili.
Ang role kasi ni Katrina sa pelikula ay kabit ng mister ni Assunta na si Jay Manalo.
Dialogue ng character ni Assunta sa character ni Katrina, “Kung akala mo ay maaagaw mo pati ang aking mga anak, nagkakamali ka!
“Magsama kayo ng asawa kong linta na kaya ka lang pinapakisamahan ay dahil sa iyong katawang retokada!”
Eh, katulad ni Nathalie Hart, nagkaroon din noon ng issue tungkol sa pagpaparetoke ni Katrina ng iba’t ibang parte ng kanyang mukha’t katawan (very clear, nagkaroon ng issue at hindi namin sinasabing retokada si Katrina katulad ng dialogue ng character ni Assunta sa character niya sa Higanti, huh!).
Inusisa namin ang direktor nilang si Rommel Ricafort kung sadya ba ang dialogue na ‘yon sa pelikula para pag-usapan ang eksenang ‘yon, pero hindi raw.
“Pero pumayag ba si Katrina sa dialogue na ‘yon ni Assunta sa eksenang ‘yon? Mabuti hindi niya pinapalitan ang dialogue?” pang-uusisa pa namin kay Direk Rommel.
“Hindi naman! Wala naman kaming naging problema. Maganda ang naging shooting namin ng eksenang ‘yon!” sey ni Direk Rommel.
Well, at least, hindi pikon si Katrina sa mga ganoong dialogue at malayo siya sa isang aktres na nagparetoke ng ilong noong kabataan pa niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin maamin-amin na siya ay produkto ng “Salamat po, Doktor!”