PBA TEAM PREVIEW: TNT
Naka-jackpot ang TNT nitong offseason nang mabingwit si Poy Erram mula sister-team NLEX.
Dalawang beses pinarebisa ng PBA trade committee ang paper bago naaprubahan ang three-team trade kasama ng Blackwater.
Umangas lalo ang KaTropa, nagkaroon sila ng lehitimong big. Mas mapapakinabangan na ang laro ni Troy Rosario na mas komportable sa stretch four.
“Kahit saan mo si Poy ilagay, malaking bagay iyan, eh,” ani coach Bong Ravena. “Good for us, makaka-help siya with our rotation especially kulang din kami sa bigs.”
Buo pa rin ang core kina Jayson Castro, Rosario, RR Pogoy, veteran Kelly Williams, Jay Washington.
Papasok sa kanyang unang full season si Bobby Ray Parks na nakuha mula Blackwater noong Governors Cup, at si Simon Enciso sa trade mula Alaska.
Kinalawit si Kib Montalbo mula La Salle sa Draft noong December.
“We’re trying to build up our team. Hopefully with the demographic of seasoned ang young players, we’ will be able to do that,” lahad ni team governor Ricky Vargas.
Perennial contender ang TNT kahit noong wala pa si Erram. Pasok sila sa playoffs ng nakaraang Philippine Cup pero nasipa sa San Miguel Beer sa tatlong laro. Sa Commissioner’s, top seed ang KaTropa at nilaktawan ang Alaska sa quarters at Ginebra sa semis, pero nasilat muli sa SMB sa finals 4-2. Sa Governors Cup, No. 3 sila, kinalos ang Magnolia sa quarter pero itinumba ng Meralco sa semis.
“Kami naman, magaling sa umpisa. Pagdating sa huli, palpak,” natatawang dagdag ni Vargas. “’Di ko alam bakit nangyayari iyon. Balang araw, malalaman ko rin.”
Bigatin, loaded ang TNT sa papel lalo sa pagdating ni Erram. (Vladi Eduarte)