KaTropa nagpalakas, kinuha si Digregorio

HINDI pa nagtatagal matapos ang surpresang palitan sa mga big men na sina Moala Tautuaa ng NorthPort Batang Pier at Christian Standhardinger ng San Miguel Beer ay naganap din Biyernes ng gabi ang biglaang pagpapalitan sa shooter na si Mike Digregorio ng Blackwater Elite kapalit ni Brian Heruela ng TNT KaTropa.

Ilang minuto matapos magsagupa noong Biyernes ang KaTropa at Alaska Aces ay nakumpleto din ang desisyon na tuluyang ilipat ng TNT si Heruela kapalit ni Digregorio.

Nakuha ng KaTropa sa trade na inaprubahan ng PBA Office of the Commissioner Sabado si Digregorio mula Elite sa one-on-one na palitan kay Heruela.

Ang desisyon ng KaTropa ay lalong nagpalakas at nagpalalim sa opensiba ng koponan na binubuo ni NBA veteran KJ McDaniels kasama sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Troy Rosario, Ryan Reyes at Don Trollano.

Maglalaro si Digregorio sa kanyang ikalawang koponan sa liga sapul na makuha na ika-35th overall ng Mahindra noong 2015 draft.

Magbabalik naman si Heruela sa kanyang dating koponan na pumili dito bilang 26th overall noong 2014 draft. (Lito Oredo)