KaTropa nagpasasa kay Romeo at Cruz

Dalawang laro sa PBA Commissioner’s Cup, dumarating na sa TNT KaTropa ang dibidendo mula sa big move na ginawa nitong Philippine Cup.

Unang kinalawit si Jericho Cruz mula Rain or Shine noong February, isinunod si scoring machine Terrence Romeo mula GlobalPort sa kaagahan ng buwan.

Dumami ang mga guard ng Texters, may katuwang na si Jayson Castro bukod kay Roger Pogoy.

Sa debut ni Romeo sa TNT nang talunin ang dating team, 128-114 noong Abril 22, tumapos ito ng 11 points sa 4 of 8 shooting bagama’t 0 for 3 sa rainbow country.

Sa 106-98 follow-up win kontra Phoenix nitong Sabado sa Antipolo, pasabog si Romeo ng team-high 21 points, 7 of 19 sa field at 3 for 11 sa 3-pointers.

Sa unang pagkakataon, off-the-bench si Castro kontra Fuel Masters pero tumapos pa rin ng 18 points, seven assists at five rebounds sa 23:23-minute job. Nag-three guards si coach Nash Racela kina Romeo, Cruz at Pogoy.

Inangklahan nina Romeo at Troy Rosario ang pagkalas ng TNT sa third quarter para pabukahin ang manipis na 49-47 halftime lead tungo sa 83-67 advantage papasok ng fourth.

Na-outscore ang Fuel Masters 34-20 sa breakaway quarter, angat sa 2-0 ang TNT para hawakan ang early lead sa midseason tourney.

Iniupo ni Racela ang import niyang si Jeremy Tyler, nagkaroon ng pagkakataon ang outside shooters ng TNT dahil hindi na sila naka-concentrate sa import sa ilalim.

Umayuda si Cruz ng 14. Nilista ni Tyler ang eight sa kanyang 17 points sa fourth at may 15 rebounds. (Vladi Eduarte)