Katuparan ng pangako

pulis

Kahit wala sa nakalaang budget ng Department of Budget and Management (DBM) ay pursigido si Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng katuparan ang ipinangakong dagdag-sahod sa mga pulis at sundalo.

Kaya naman sa susunod na buwan, Agosto ay mararamdaman na ng mga pulis at sundalo ang pangakong dagdag-suweldo sa mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Gayunman ay hindi sinabi ni Pangulong Duterte kung magkano ang unang pagtaas sa sahod na ipatutupad maliban sa pagtiyak na magiging-doble ito gaya ng kanyang unang ipinangako.

Sa kautusang ito ni Pangulong Duterte ay pinatutunayan niyang unti-unti na niyang binibigyang katuparan ang kanyang mga ipinangako noong panahon ng kampanya.

Una na ang paglipol sa iligal na droga at sa mga nasa likod ng operasyon nito gayundin sa mga problemang naghahatid ng sakit ng ulo at perwisyo sa publiko.

07-28-2016-pnpKaya naman ngayon pa lamang ay nais nating saluduhan ang gobyernong Duterte na kahit mag-iisang buwan pa lamang sa poder ay binibigyang katuparan na ang mga ipinangako sa taumbayan.

Dahil dito marapat lamang na suklian ng tapat at tamang pagseserbisyo ng mga makikinabang sa dagdag-sahod ito dahil klaro namang wala talagang pondo para dito pero kinakailangan itong gawan ng paraan bilang pagtupad sa pa­ngako ni Pangulong Duterte.

Kaya ang aming panawagan sa mga pulis at sundalo huwag n’yo sanang biguin ang taumbayan. Tumbasan n’yo ng sinserong pagtupad sa tungkulin at higit sa lahat ay bigyang prayoridad ang kapakanan ng publiko dahil kabilang ang inyong hanay sa naunang binigyang pagpapahalaga ng administrasyong Duterte.