May isang kalye sa aming lugar na binaha nu’ng isang buwan. Bago ito nangyari, tinaas na namin ‘yung kalsada para maibsan ang madalas na pagbaha du’n sa tuwing may malakas na ulan.
Kinabukasan matapos itong bahain, may ilang puna at batikos ang natanggap naming… na walang kuwentang proyekto ito… na hindi na ito dapat tinaas… hindi ito nakatulong sa tao dahil baha pa rin.
Nagpadala ako ng team para buksan ang mga drainage, linisin ang anumang basurang naipon roon at alamin na rin kung ano ang problema.
Natuklasan ng mga taong pinadala ko na ‘yung drainage sa tapat ng isang karinderya ay tinubuan na ng matigas na sebo galing sa drain ng hugasan ng kainan.
Sinita ng clearing team ang tindahan at inutusan itong maglagay ng sariling septic tank para saluhin ang mga sebong diniretso niya sa kanal.
Hindi ito agad tumalima kaya nag-utos akong ipasara ang kainan hanggang hindi nagagawa ang septic tank. Makatlong araw, may septic tank na ang tindahan… eh kaya naman pala. Ba’t hindi agad ginawa? Masyado namang pagtitipid ‘yun.
Pinatuloy ko pa rin ang paglilinis ng mga drainage sa buong kahabaan ng kalye. Itong huling linggo ng malakas at tuloy-tuloy na ulan, nagulat ang mga tao ru’n dahil hindi binaha ang kanilang lugar. Eh sa lumalabas ‘yung namuong sebo ang dahilan kung bakit bumaha sa lugar nila.
Minsan, ang dali talagang sisihin ang gobyerno sa lahat ng mga pangit na nangyayari sa ating kapaligiran.
Pero kung susumahin mo, ang problema ay nagmumula rin sa mga taong walang malasakit sa pangkalahatang kaayusan ng kanilang lugar, basta kumita lang. Basta malinis ko lang ang mga gamit ko sa tindahan.
Hayaan mo na ang gobyerno ang maglinis ng mga kalat natin. Tutal trabaho naman nila ‘yun.
Ang ganitong sitwasyon ang dahilan kung bakit matagal ang usad natin bilang isang bayan. Inaasa natin na gobyerno ang lilinis ng kalat natin.
Pero kung iisipin mo? Tama ba na itapon natin ang sebo sa kanal? Alam naman nating mamumuo ‘yun at babara sa daluyang tubig. Tayo rin sa bandang huli ang mamemerwisyo. Ang mga taong tulad nito ay walang pagmamahal sa kanilang bayan. Sila pa mismo ang unang reklamador du’n… na iisipin mong baka hindi nila alam na sila ang may kasalanan kung bakit binabaha sila dati.
Nagpapanukala ako ng isang batas na may ngiping magpaparusa sa mga gagawa nito simula ngayon. Disiplina at malasakit ang kailangan natin. Hindi ko ito sinasabi para mabawasn ang trabaho namin. Sinasabi ko ito bilang isang tao na may pakialam at konsiderasyon sa kanyang mga kapitbahay.
At sa bayang pinili niyang tawaging kanyang tahanan.