Tumalon o nahulog?
Ito ngayon ang iniimbestigahan ng mga awtoridad makaraang matagpuan ang duguan at lasog-lasog na katawan ng consultant ng Kawasaki sa isang condominium sa Barangay Bagumbayan sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Jose Miguel Del Rosario, 56, separated, taga-Olympia Heights Condominium sa No. 10 Orchard Road, Eastwood City, Cyber Park Bagumbayan, Brgy. Bagumbayan, QC.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-2:30 ng hapon nang matagpuan ang lasog-lasog na katawan ni Del Rosario sa garden sa ground floor ng nasabing condominium.
Una dito ay namataan ang biktima at live-in partner nitong si Roselle Ann Mae Palma na nag-aaway sa parking lot ng condo ng guwardiya na si Dionesio Bogtong kaya nilapitan niya ang dalawa.
Bagama’t naawat sa pagtatalo ay nagdesisyon umano ang babae na umakyat sa 9th floor at inimpake ang kanyang mga gamit.
Nabatid na nagpasama pa umano si Palma sa sekyu sa unit at habang palabas ng silid ang babae ay panay naman ang habol ni Del Roasrio at pinipigilan ito subalit nagpatuloy pa rin ang una at naiwanang nakatayo sa hallway ang biktima.
Ayon kay Bogtong, habang nasa loob sila ng elevator ni Palma ay nakatanggap siya ng tawag sa hand held radio na nahulog si Del Rosario mula sa ika-siyam na palapag ng gusali ng condo. (Dolly Cabreza)