Kinuyog ng taumba­yan ang isang lalaki nang magnakaw ito ng mga sapatos, tsinelas at damit kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Kinilala ng pulisya ang sugatang suspek na si Jonathan Gamboa, 38, nakatira sa Brgy. Rizal ng nasabing lungsod.

Ayon sa isinumiteng report ng Station Investigation and Detective Ma­nagement Branch (SIDMB), naganap ang insidente dakong alas-tres ng madaling-araw sa Dia­mond St., Brgy. Pembo.

Sangkot umano si Gamboa sa pagnanakaw ng mga damit, sapatos at tsinelas sa Mirasol St. ng nabanggit na barangay.

Nang mapadpad ang suspek sa Diamond St. ay naghinala ang mga residente na magnanakaw ito.

Nang makorner ng taumbayan si Gamboa ay pinagtulungan nila itong gulpihin dahilan upang magtamo ng maraming sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Natigil lamang ang panggugulpi nang rumes­ponde na ang mga pulis at inaresto ang duguang suspek.