Arestado ang isang Chinese national matapos magnakaw ng mamahaling short at t-shirt na nagkakahalaga ng P12,886 sa loob ng isang shop sa Greenhills Mall, Sabado nang gabi sa San Juan City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Feng Chi Chi, nasa hustong gulang, Chinese National at walang matukoy na address.

Naganap ang insidente bandang alas-8:55 nang gabi sa loob ng Vantage International na matatagpuan sa Bonaventure Plaza, Ortigas Ave. Greenhills, San Juan City.

Ayon kay Wendell Mitra y Moyo, 24-anyos, security guard ng Eslabon Security Agency, napansin niya ang kahina-hinalang kilos ng dayuhan at palihim niya itong sinundan at naaktuhan na nagsisilid ng mga short at t-shirt sa loob ng kanyang dalang bag.

Agad na sinita ng sikyo ang suspek na papalabas na sana ng shop at hiningan ng resibo subalit walang maipakita ang hindi marunong magsalita ng English na dayuhan kaya dinala na lamang ito sa admin office para maimbestigahan kung may kasama ito saka dinala sa San Juan Police station.

Narekober mula sa suspek ang walong assorted Forza MMA short pants; anim na assorted Forza MMA polo shirts.

Dahil hindi maru­nong magsalita ng English ang suspek ay dinala na lamang ito sa Chinese Embassy para sa tamang proseso ng pag-aresto. (Vick Aquino)