Kinawawa ni Kawhi Leonard at ng Los Angeles Clippers ang dinayong Houston Rockets Huwebes ng gabi.
Tulad ng nakagawian, si Kawhi ang bumida sa 120-105 win ng Clippers sa Toyota Center.
Matchup dapat iyon ng dalawa sa top teams ng Western Conference, pero mula opening tip off ay kinontrol ng Clippers.
Sa third quarter, umatake si Leonard, sinayawan si PJ Tucker bago nag-crossover para dumiretso sa basket, dinakot ng ‘The Klaw’ ang bola at dinakdakan si Robert Covington.
Posterized!
Tumapos si Leonard ng 25 point, nagdagdag ng 17 point at 12 rebound si Ivica Zubac, may 19 point at 10 rebound off the bench si Montrezl Harrell sa LA. Nagsumite si Paul George ng 13 point, 9 rebound at 7 assist.
Hindi umubra ang small-ball play ng Rockets, nalimitahan sa worst 3-point shooting ngayong season. Pito lang ang naipasok ng Houston sa 42 attempt sa labas ng arc at natalo sa pangalawang sunod na laro matapos silatin ng New York noong Lunes. Natapos ang streak ng Rockets na 18 games na may 10 3s o higit pa mula Jan. 20.
Walang lehitimong center ang Rockets, kanya-kanya silang sugod sa rebound.
Namuno ang 29 point at 15 rebound ni Russell Westbrook sa Rockets. Si James Harden ay 4 of 17 lang mula sa field, walang ipinasok sa walong pinakawalan sa 3-point land tungo sa 16 point. (Vladi Eduarte)