May bago na namang batas na layong mabawasan ang mga aksidente sa lansangan — ang Anti-Distracted Dri­ving Act.

Ang tanong nga lang siguro ng ating mga katropa, maipatutupad kaya ito nang lubos ng mga awtoridad, o baka naman matulad lang sa Anti-Drunk Driving Act?

Para sa mga ‘di pa nakakaalam, noong isang taon pa naipasa ng Kongreso at naging ganap na batas ang Anti-Distracted Driving Act. Pero ngayong taon lang ito mai­patutupad dahil ngayon lang nagawa at nailathala ang implementing rules and regulations (IRR) o mga panuntunan sa pagpapatupad ng batas.

Sa ilalim ng Anti-Distracted Driving Act, simple lang mga tsong na drayber ng mga pribado at pampublikong paaralan at pati na rin ang mga rider ng motorsiklo at tricycle… bawal na pong gumamit ng mga cell phone o smartphone habang nagmamaneho.

Kabilang sa mga bawal ang pagtawag, pag-text, pag-i-internet o paggamit ng social media gaya ng Facebook, panonood ng kung anuman sa Youtube at iba pa. Ang mga gumagamit ng mga app para makakuha ng direksyon at iwas-trapik, puwede naman pero dapat daw hindi makasasagabal sa pagmamaneho ng driver.

Aba’y bakit hindi na lang kaya ang implementing agency gaya ng MMDA ang magsabi kung saan dapat ilagay ang smartphone na gagamitin sa pagkuha ng direksyon?

Maigi kasi na dapat malinaw kung sa kaliwa, gitna, kanan, itaas o ibaba ba ng dashboard dapat nakadikit ang smartphone para walang maging problema kung sakaling masita ang isang motorista kapag nakitang may smartphone sa harapan ng sasakyan.

Ang matindi, kahit naka-stop ka sa traffic light, dehins din puwedeng mag-text o tumawag. Kailangan mo talagang humanap ng lugar na matitigilan.

Puwede naman tumawag gamit ang cell phone kung may gamit na device para ‘di niya hawak ang cell phone. Puwede ring tumawag kung may emergency tulad ng paghingi ng tulong dahil sa sakuna.

Ang tanong — papaano kung naipit ka sa letseng trapik na walang galawan o kaya mabagal pa sa pagong ang usad? ‘Di pa rin puwedeng mag-smartphone? Lagot!

Aba’y ‘wag naman sanang maging pain ang bagong batas na ito para sa mga naghihintay na buwaya sa lansa­ngan. Dapat malinaw din kung sino lang ang may karapatang manghuli sa mga lalabag sa batas na ito.

Sa dami ng mga sasakyan na sobrang tinted at hindi naman yata lahat ng kalye e may camera na nakaka-zoom na kita ang driver, maipatupad kaya nang mahusay ang batas na ito; o magaya lang sa Anti-Drunk Driving Law na ipinatupad noong 2014, pero hanggang ngayon ay napakarami pa ring nababangga dahil sila’y ‘lashing.’

Ang matindi, malalaman lang na lasing ang nagmamaneho dahil ‘amoy alak’ matapos na siyang mabangga o nakabangga na. Hanggang ngayon ay nababalita pa rin kasi na kulang na kulang din ang mga breath analyzer para masuri ang mga driver na pinagsususpetsyahang lasing.

At batay sa isang ulat, nakasaad umano sa datos ng Highway Patrol Group, na dumarami ang sakuna dahil sa mga ‘lashing’ na driver. Habang ang aksidente na kinasasangkutan ng mga gumagamit ng cell phone ay nababawasan naman. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)