WALANG YABANG!
Si Rey Nambatac ang bumida sa fourth quarter nang pangunahan ang atake ng Rain or Shine tungo sa 91-81 panalo laban sa Magnolia sa Game 6 ng PBA Philippine Cup semifinals sa Ynares Center, Antipolo.
Naglista ng 13 points si Nambatac sa fourth quarter, 12 dito mula sa pinakawalan na apat na 3-pointers, tungo sa 16 points.
Napuwersa ng Elasto Painters ang deciding Game 7, pag-aagawan nila ng Hotshots ang huling tiket sa finals mamaya sa MOA Arena. Nakaabang na sa mananalo ang four-time champion San Miguel Beer na tinapos ang serye kontra Phoenix sa limang laro noong Huwebes.
“It’s do-or-die for us, at pinag-uusapan namin eto na ‘yung point na ayaw naming masayang ‘yng pinaghirapan namin,” anang third-year guard na produkto ng Letran. “Sabi namin, huwag naming puwersahin dahil kayang-kaya naman namin ang Magnolia.”
Sa umpisa ay hinayaan ni Painters coach Caloy Garcia ang kanyang veterans na sina James Yap, Beau Belga, Gabe Norwood at Jewel Ponferada na makipagsabayan sa Hotshots ni coach Chito Victolero.
Abante ang Rain or Shine 41-35 sa break pero naibuhol pa ng Magnolia 62-62 pagkatapos ng three. Sa final period, nagliyab si Nambatac.
“Lahat ng ipasok ni coach Caloy, nag-step up. Specially ‘yung mga beterano,” dagdag ng 5-foot-10 playmaker. “Sila actually ang talagang nag-lead sa amin, sumunod lang kami sa kanila.”
Tumapos din ng 16 points si Yap, 15 kay Belga at 11 kay Ponferada.
Sa unang pagkakataon, matitikman ng 25-anyos na si Nambatac ang Game 7. Hindi maiwasang kabahan.
“Game 7, do-or-die,” aniya. “Medyo may pressure, nakakakaba kasi nga professional league na ‘to.” (Vladi Eduarte)