Kayanin kaya ng powers ni Director Gardiola ang monster traffic sa Metro?

May bago na namang traffic czar sa Metro­ Manila sa katauhan ni ­Philippine National Police Highway Patrol Group Director Chief Supt. ­Antonio Gardiola.

Si Gardiola ang itinalaga ni Department of Transportation (DoTr) Secretary Arthur Tugade na chief ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT).

Ang I-ACT ay binu­buo ng PNP-HPG, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ­(LTFRB) na sama-samang naghahanap ng solusyon para maresolba ang matin­ding problema sa trapiko lalo na sa kahabaan ng EDSA.

Pero ngayong nariyan na si Director Gardiola ay magkakaroon na ng bagong pointman para solusyunan ang monster traffic na tila palala na nang palala sa kabila ng kung anu-anong planong ginagawa para matuldukan ang problemang ito.

Bagama’t bagong talaga ay nagbigay na ng pag-asa ang opisyal sa mga motorista at pasahero na maaaring mabawasan ang travel time sa mga dara­ting na buwan dahil lahat ng maaaring gawin para mapaluwag ang daloy ng trapiko ay kanyang ipa­tutupad.

Nagpatikim si Gardiol­a sa ilang ipatutupad na solusyon at kabilang dito ang short-term na pag-organisa ng inter-agency counter-intelligence group na magmamanman sa mga nangongotong na traffic enforcers.

Magsasagawa rin ng training sa mga tauhan o sa mga mangangasiwa sa daloy ng trapiko upang maituro ang tamang paraa­n ng pag-handle sa mga aroganteng motorista.

Makikipag-usap din ang opisyal katuwang ang I-ACT sa mga local government units (LGUs) para resolbahin ang mga lokal na ordinansa na nagko-conflict sa mga nationa­l laws na nakakadagdag sa pagsisikip ng daan.

Pagbigyan natin ang opisyal sa kanyang magandang hangarin sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at sana nga ay si Director Gardiola na ang sagot sa matinding kunsumisyong hatid sa ating lahat ng trapiko sa Metro Manila.

Kaya kay Director Gardiola, hangad namin ang inyong tagumpay.