Pinisak ni Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy si second seed International Master Gulishkan Nakhbayeva ng Kazakhstan upang manatiling may tsansa sa asam na titulo matapos ang fourth round ng 7th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) sa Tiara Hotel sa Makati City, Huwebes ng gabi.
Ipinakita ni Doroy, 17, na mas malakas siya sa kanyang FIDE rating na 1972 matapos silatin ang outstanding favorite Nakhbayeva na may elo rating na 2371.
Swak ang National University standout sa Top 10, kasalo niya ang pito pang woodpushers sa eighth spot tangan ang tig-2.5 points, isang puntos na hinahabol sa mga nasa tuktok.
May tig-3.5 puntos ang mga nangungunang sina WFM Turmunkh Munkhzul ng Mongolia, IM out Padmini ng India at IM Pham Le Thao Nguyen ng Vietnam.
Sunod na makakalaban ni Doroy si 18th seed WIM Dewi Ardhiani Anastasia Citra ng Indonesia sa fifth round sa event na suportado nina Sen. Manny Pacquiao at Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez habang may basbas naman ni National Chess Federation of the Philippines president Cong. Butch Pichay.
Nakaraan, binulaga nito si Olympiad veteran WIM Catherine Secopito (2145) at nakatabla kay WFM Li Yunshan (2196) ng China sa second at third rounds, ayon sa pagkakasunod.
Nalasap ni Doroy ang unang talo sa first round kontra WFM Turmunkh Munkhzul ng Mongolia.
Nagpakitang-gilas naman sa Open si veteran International Master Ricky de Guzman, kinalos nito si IM Sumiya Bilguun ng Mongolia upang sumiksik sa 22-player na magkasalo sa 10th place.
Tangan ni 1981 Asian Juniors titlist De Guzman ang 2.5 puntos.
Makakalaban ni De Guzman sa round 5 si Uzbekistan IM Nodribek Yakubboev na tinalo si Filipino IM Haridas Pascua.