Nakatakda pa lang harapin ng Team Pilipinas ang Qatar mamayang alas-12:00 ng hatinggabi ay pinaghahandaan na rin ng Nationals ang itinatagong sandata ng Kazakhstan na babanggain naman ng koponan sa Linggo sa sixth and final window ng 2019 FIBA World Cup Asia Qualifiers.
Mas matinding pagsubok ang hinaharap ng Nationals matapos na lalong palakasin ng mga Kazakh ang lineup sa pagsusumite ng bagong naturalized player na si Anthony Clemmons.
Ang 6-foot-2 guard na si Clemons ang nagbigay mismo ng kanyang Kazakh passport sa nakaraang Disyembre sa kanyang team.
Hindi kasama si Clemmons sa listahan ng Steppe Wolves noong magtungo ang mga Kazakh dito sa bansa upang biguin ang Pilipinas 92-88 noong Nobyembre 30.
Katulad ng Nationals, determinado rin ang Kazakhs na masungkit ang krusyal na panalo sa huling yugto ng FIBA World Cup window para makatuntong sa gaganaping torneo sa China sa Agosto.
Nakatakdang makasagupa ganap na alas-12:00 ng madaling-araw ng Pebrero 22 sa Pilipinas ng Pinoy quintet ang Qataris.
Sunod na makakasagupa ng Team PH ang Kazakhstan sa Peb. 24 sa Astana. Una munang makakaharap ng mga Kazakh ang Australia bago salpukin ang mga Pinoy.