KC babawi kay Sharon

Marami ang nagtatanong kung susuporta ba si KC Concepcion sa concert ni Sharon Cuneta? Babawi na kaya siya ngayon sa kanyang ina?

Handog ng megastar ang isang espesyal na pagpupugay at selebrasyon para sa lahat ng ina. Ito’y sa pamamagitan ng kanyang fundraising concert na pinamagatang “Sharon: Love and Music, A Mother’s Day Special.”

Mapapanood ito sa ABS-CBN Facebook, YouTube, at website (ent.abs-cbn.com) ngayong Mayo 10, 8pm.

Kasama si maestro Louie Ocampo, maghahatid si Sharon ng mga pinakasikat niyang awitin. Siguradong magdadala ito ng saya, pag-ibig, at inspirasyon sa bawat tahanan.

Bukod naman sa selebrasyon ng Mother’s day, ang concert ay naglalayon ding makalikom ng donasyon para sa “Pantawig ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN. Gagamitin itong pambili ng pangunahing pangangailangan ng mga mamamayang lubos na apektado ng enhanced community quarantine.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng tulong ang megastar ngayong panahon ng krisis. Kamakailan lang ay naghandog siya ng P1 milyong donasyon para sa Bantay Bata 163 sa katatapos lamang na fundraising concert ni Regine Velasquez.

Nag-abot din siya ng P3 milyon para naman sa kampanya ng aktres na si Angel Locsin para sa mga pangangailangan ng frontliners.

Samantala, nakatakdang magbalik telebisyon si Sharon sa bagong season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”