Umakyat sa record books si Kevin Durant, pero ‘di niya kinayang itulak ang Golden State Warriors sa 3-0 lead kontra Houston Rockets sa 73rd NBA 2018-19 Western Conference semifinals.
Sabado ng gabi sa Houston, naglista si Durant ng 46 points kaya may kabuuan na siyang 3,976 points sa postseason para umakyat sa No. 10 ng NBA career playoff scoring list, alpas kay Dwyane Wade.
Sa 16 seasons bago nagretiro pagkatapos ng 2018-19 ay nakatipon si Wade ng 3,954 sa playoffs. Nakaka-siyam na biyahe pa lang si Durant sa postseason, 13 si Wade. Nasa unahan ng listahan si LeBron James (6,911 sa 13 postseasons) kabuntot si Michael Jordan (5,987 sa 13 postseasons).
Sabado ng gabi, unstoppable sa fourth quarter si Durant nang ilista ang first 10 points ng Warriors bahagi ng 15-2 run sa dulo ng third hanggang bukana ng final period.
Napigil si Durant nang pumasok ang defense specialist ng Rockets na si PJ Tucker, matagal-tagal ding nasa bench dahil sa foul trouble.
Yumuko ang Warriors 126-121 sa overtime. Game 4 sa Martes (araw sa Manila) sa Houston din. (VE)