Dinampot ng mga awtoridad ang sexy comedienne na si Keanna Reeves dahil sa kasong cyberlibel, kahapon ng tanghali sa Quezon City.

Ang pag-aresto kay Keanna o Janet Derecho Duterte sa tunay na buhay, ay dahil sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Florencia Formes Baculo ng Calamba City Regional Trial Court (RTC) Branch 34 noong Nobyembre 7, 2018 kaugnay sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 pero may itinakdang piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan na aabot sa P20,000.

Matapos arestuhin sa Quezon City, dinala si Keanna sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Laguna para sa dokumentasyon ng kanyang kaso.

Nag-ugat ang kasong cyberlibel laban sa kanya matapos umanong lait-laitin ni Keanna sa social media ang negosyanteng si Nancy Dimaranan, may-ari ng isang food park sa Biñan, Laguna.

Napag-alaman na nag-perform si Keanna sa food park ni Dimaranan noong Hulyo 14, 2017 at binayaran ito ng talent fee ng P5,000 pero dinagdagan pa umano ito ng P1,500 na pamasahe dahil hindi na niya ito maihahatid sa Quezon City matapos mapagod at pumayag naman umano ang sexy comedienne.

Pero laking gulat umano ni Dimaranan noong Hulyo 15 ng madaling-araw nang mapanood nito ang video ni Keanna sa social media at pinagsalitaan siya nang hindi maganda, pinagmumura, tinawag na bakla at hayop, dahilan upang sampahan niya ito ng kasong cyberlibel.

Itinanggi naman ni Keanna na kailanman ay hindi umano niya nilait ang pagiging transgender ni Dimaranan.