How true na sumama ang loob ni Keempee de Leon nang hindi siya maipaglaban ng kanyang ama na si Joey de Leon sa “Eat Bulaga”?
Matatandaang dating host si Keempee pero nawala sa nasabing noontime show. Nagkarooon siya umano noon ng isyu at inilagay na lang sa barangay segment. May pagkakataon pa umano na sumasahod siya pero hindi naman ginagamit sa show.
Naging palaisipan umano sa actor kung bakit hindi siya sinasalang sa show hanggang tuluyan siyang nawala.
Ayon sa source, sobrang depresyon ang inabot ni Keempee. Naging question din kung bakit hindi raw siya napabalik ng kanyang ama sa “Eat Bulaga.”
Pero si Joey raw ang tipong hindi nakikialam sa ganyan maski sangkot pa ang anak. Kumbaga, bahala raw silang harapin at solusyunan ang anumang gusot na dumarating sa buhay nila.
Pero hindi raw masisisi si Keempee kung lumabas siya sa “It’s Showtime” ngayon.
Parte kasi ito ng promo niya sa bagong serye ng ABS-CBN 2 na kasama siya, Ito’y ang “Nang Ngumiti Ang Langit” na magsisimula ngayong Marso 25.
Tampok din sa show sina RK Bagatsing, Cristine Reyes, Kaye Abad, Enzo Pineda, Pilar Pilapil, Matet de Leon, Heart Ramos, Miguel Vergara at Krystal Mejes. Pinagbibidahan ito ni Sophia Reola.
Ang “Nang Ngumiti ang Langit” ay isa na namang hindi malilimutang kuwento ang handog sa mga manonood ng produksyon ni Ruel S. Bayani, matapos ang matagumpay at de-kalibreng mga serye tulad ng “Wildflower,” “Hawak Kamay,” “Langit Lupa,” “Two Wives,” “Pasion de Amor,” “Halik,” “Precious Hearts Romance Presents: Araw Gabi,” at “Magpahanggang Wakas.”
***
Guia mas type si Vilma kesa kay Nora
Nagtawanan ang mga movie press at blogger nang sagutin ni San Juan Mayor Guia Gomez kung Noranian ba siya o Vilmanian.
Dahil na-link umano noon si Ate Guy kay Mayor Erap, Vilmanian daw siya. Kaaliw katsika ang ina ng reelectionist na si Sen. JV Ejercito.
Ayon kay Mayor, wala na siyang balak tumakbo ulit sa politics ngayong eleksyon. Magpapahinga na raw siya. Tinatapos na lang niya ang last term niya bilang alkalde. Hindi na rin daw siya babalik bilang mayor ng San Juan dahil 80 na siya ‘pag puwede na siya ulit tumakbo.
Pinipili na lang niyang maging supportive mom kay Sen. JV at i-enjoy ang dalawang apo na 19 and 10 years old.
“Everyone wants me to run for Congress and I said no more. I want to enjoy my life,” deklara niya.
Buong ningning din niyang sinabi na si Vice Mayor Janella Ejercito Estrada na anak ni Jinggoy ang suportado niya na papalit sa posisyon niya.
“In fairness to JV, mahal niya si Janella,” deklara ni Mayor Guia.
May nagtanong din kung ganoon din ba ang feeling niya kay Sen. Jinggoy.
“Ako rin, mahal ko si Janella, pero ‘yung tatay, hindi ko mahal,” sambit niya na tila nagbibiro.
“It’s just ano na he’ll feel that way towards me, natural lang ‘yan sa isang anak na akala nila, inagawan sila ng tatay, but I never did that.
“As I’ve always said, the less I heard, the better. ‘Yan ang aking patakaran sa buhay. I never hurt them. I’ve always been quiet, wala kang maririnig na sinabi ko against anybody,” bulalas pa ni Mayor Guia.
Tinanong din namin kung kumusta ang relasyon niya sa mga nanay ng ibang anak ni Mayor Erap?
“Kami? Mabuti na ‘yung siguro, you know, they exist, basta huwag na lang tayong. . .we will not be friends, we’ll not be enemies, as I’ve said, you have your own life, I would have mine, tama na ‘yun.”
Talbog!
***
Patricia makikipagtalbugan kina Kyline, Kate
Ipapakilala sa bagong pelikula na “Black Lipstick” si Patricia Roxas ng Obra Productions. Makikipagtagisan siya sa akting kina Kyline Alcantara at Kate Valdez.
Si Patricia ay college student sa Letran at taga-Pandi, Bulacan. Gaganap siyang matalik na kaibigan ni Kate.
Kasama rin sa “Black Lipstick” sina Manolo Pedrosa, Migo Adecer, James Teng, Angel Guardian at Snooky Serna. Ididirek ito ni Julius Alfonso.
Ito ay launching movie ni Kyline kaya humanda na ang Sunflowers.