Patay ang isang lalaking master baker at nakawalang alagang aso matapos makuryente sa naputol na kawad ng kuryente habang naglalakad pauwi sa Lungsod ng Malabon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Malabon City Police, sa pangunguna ni PO2 Benjie Sy, ganap umanong alas-12 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Gov. Pascual Ave., Barangay Catmon ng nasabing lungsod.
Naglalakad umano noon pauwi ang biktimang si Alfonso Mesina, 59, master baker, may ka-live in at residente ng Lucas Compound ng nasabi ring lugar, nang matapakan nito ang matubig na bahagi ng gilid ng kalsada kung saan ay nakasayad ang isang live na naputol na kawad ng kuryente.
Agad na nangisay ang biktima na nakita ng isang nakawalang alagang aso at tangka sanang pupuntahan na tila sasaklolohan ang biktima pero ito ay nakuryente rin na agad nitong ikinasawi.
Napag-alaman na tamalak sa lugar ang iligal na koneksiyon ng kuryente na posible ring dahilan upang may maputol na kawad sa lugar, dahil hindi naman umano kalakasan ang ihip ng hangin nang mga oras na iyon kaya’t imposibleng naputol iyon dahil sa hangin.