Butas-butas na tila target board sa dami ng tama ng bala ng baril ang katawan ng isang 23-anyos na binata nang atakehin at ratratin ito ng hindi nakilalang suspek sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Sa report kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Elea­zar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang biktima na si Jun-Jun Gadia y Paus, walang trabaho, ng San Pedro St. ng nasabing barangay.

Base sa report isang nagngangalang ­Francis ­Jacob, tricycle driver, nag­hihintay siya ng pasa­hero sa nasabing lugar ng makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril. Dahil sa sobrang takot kung kaya’t mabilis itong ­nagtatakbo at nagtago sa likuran ng Gate 2 ng MRB compound sa naturang lugar.

Sinabi pa ni Jacob kay PO3 Jerome Dollente, may-hawak ng kaso at imbestigador ng CIDU na nangyari ang krimen dakong alas-3:30 ng mada­ling-araw sa Commonwealth TODA Tricycle Terminal sa Pilot Drive kanto ng Pinadama St., MRB Compound, Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Matapos umano ang sunud-sunod na putok ng baril ay agad siyang pumunta sa pinangyarihan ng pamamaril at dito niya nakita ang nakabulagtang biktima na naliligo sa kanyang sariling dugo, kung kaya’t agad niya itong ini-report kay Victor Tobias miyembro ng Barangay Public Safety Office (BPSO) ng Brgy. Comonwealth.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala, isang deformed fired bullet isang fired bullet at nagtamo rin ang ­biktima ng multiple gunshot wounds sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang may kagagawan ng krimen, habang inaalam na rin ng imbestigador kung may kaugnayan sa ilegal na droga ang pamamaslang.