Kelot kalaboso sa dinekwat na sinturon

Bilangguan ang bagsak ng isang 58-anyos na lalaki matapos mag-shoplift ng limang sinturon sa isang supermarket sa Adriatico St., Malate, Maynila noong Lunes ng gabi.

Nasa kustodiya ng Manila Police District-Station 9 ang suspek na si

Ricardo Jalbuena, nakatira sa Pasay City.

Nabatid na bandang alas-siyete ng gabi nang sitahin ang suspek ng security guard na si Isamer Abliter matapos lumabas sa supermarket na hindi dumaan sa kahera para bayaran ang kinuhang mga sinturon na nagkakahalaga ng P1,498.75.

Kaagad na binitbit sa security Office ang suspek nang walang maipakitang resibo sa mga kinuha niyang sinturon.

Kinasuhan ang suspek ng theft sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)