Wala nang buhay nang matagpuan ang 32-anyos na lalaki sa loob ng comfort room ng Botolan Municipal Police Station sa Zambales, makaraang makulong dahil umano sa pagbabanta nito na papatayin ang kanyang pamilya nang tumangging makipagtalik ang kanyang misis.

Sinabi ni Botolan acting Chief of Police chief Insp. Jaime Morete na inaresto nila ang lalaki na taga-Brgy. Paco bandang alas-2:30 Lunes nang hapon matapos i-report ng concerned citizen ang insidente ng paglabag sa acts of violence against women and their children.

Umuwi umano ang lalaki nang lasing sinabi sa asawa na magtalik sila subalit tumanggi ang huli. Dito na ito nagalit at kumuha ng itak saka nagbanta na papatayin nito ang asawa at dalawang anak. Humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya ng lalaki na agad namang rumesponde para arestuhin at ikulong ito sa istasyon.

Gayunman, bandang alas-5:58 nang mada­ling-araw, noong Martes, natuklasan na lamang ng pulisya at kapatid ng lalaki na nagbigti ito gamit ang sinturon.