Kelot patay sa Oplan Galugad

buy-bust-operation

Isang lalake ang ­nasawi nang mamaril at gantihan ng putok ng mga operatiba ng Manila Police District-Police Station 4 na nagsasagawa ng Oplan Galugad, ­kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ni PO3 ­Dennis Turla, imbestigador ng MPD-homicide­ section, ang suspek na si Glenn Morales, taga-511 Islamic St., ­Quiapo, Maynila na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng ­katawan.

Naganap umano ang insidente dakong alas-12:40 ng madaling-araw sa isang eskinita sa may 809 Marquitos St. corner Blumentritt Extension, Sampaloc, Maynila.

Nagsasagawa umano ng Oplan Galugad ang may 15 tauhan ng MPD-PS 4 na pinamumunuan ni PSInsp. Ariel Ilagan nang mamataan sa lugar ang suspek.

Sisitahin sana ang suspek at lalapitan ng mga awtoridad pero bigla itong bumunot ng baril at saka nagpaputok patungo sa direksiyon ng mga pulis dahilan para gantihan ni PO1 Julius Jamero.

Nakuha sa suspek ang isang .38 revolver na may apat na bala, at dalawang piraso ng sachet ng shabu.

Dinala ang ­bangkay sa Archangel ­Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.