Patay ang isang 34 anyos na lalaki makaraang patraydor na pagbabarilin sa ulo ng isang salarin habang ang una ay naglalakad sa may harap ng isang palengke sa Quezon City kamakalawa ng gabi
Kinilala ang nasawi na si Roberto Manalo y Benedicto, jobless, ng 154 Sitio Militar, Brgy. Old Balara ng nasabing lungsod.
Ayon kay SPO1 Marvin Masangkay, may hawak ng kaso, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nangyari ang insidente dakong-6:50 ng gabi sa harap ng Alora Market sa kahabaan ng Congressional Avenue, Barangay Ramon Magsaysay Quezon City.
Naglalakad umano ang biktima sa nasabing lugar nang mula sa likuran nito ay sumulpot ang isang suspek at pinagbabaril siya sa ulo at katawan hanggang sa duguan at walang buhay na bumulagta ang biktima, bago mabilis na tumakas ang suspek.
Ilang mga residente naman sa naturang lugar ang sumaklolo sa biktima at isinugod ito sa Quezon City General Hospital, subalit idineklara din siyang dead-on-arrival.