Nagkapisak-pisak ang katawan ng isang lalaki matapos itong maipit sa pagitan ng isang 10 wheeler truck at minamanehong forklift sa loob ng pinagtatrabahuhang warehouse sa Lungsod ng Malabon kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Malabon City Police partikular ni SPO4 Ferdinand F. Espi­ritu, ganap umanong alas-nuwebe ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng Malabon Soap and Oil Company Inc. sa Brgy. San Agustin ng nasabing lungsod.

Pina-park umano ng biktimang si Antonio Mamintal, 38, may asawa, forklift operator at residente ng Capiz Street, Brgy. Novaliches, Lungsod ng Quezon ang minamanehong forklift nang bigla itong umandar kahit nakapatay ang makina.

Sinubukan pa uma­nong pigilan ng biktima ang sasakyan ngunit wala rin siyang nagawa dahil sa napaka bigat nito hanggang sa sumalpok ito sa isa pang nakaparadang 10 wheeler truck dahilan upang mapagitna siya at tuluyang napisak.

Agad namang sinaklolohan ng kanyang mga kasamahan ang biktima at tinangkang isugod sa pagamutan ngunit wala na talaga itong buhay.

Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbes­tigasyon ang mga awtoridad at inaalam na rin kung sa panig ng biktima ang kamalian o may pa­nanagutan ba ang kumpanyang pinagtatrabahuhan nito.