Todas ang isang lalaki matapos siyang tarakan ng saksak sa lalamunan ng kanyang kumpare sa Barangay Calepaan, Asingan, Pangasinan noong Martes ng hapon.

Kinilala ni Police Regional Office-1 (PRO-1) public information officer P/Lt. Col. Mary Crystal B. Peralta ang biktima na si Rolito Tacson, residente ng Zone 4 ng nasabing barangay.

Samantala, ang suspek ay nakilalang si George Langit, alyas “Ellat”, kumpare at kapitbahay ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Peralta na ang insidente ay nangyari bandang alas-12:50 ng tanghali, Oktubre 8, 2019, sa harap ng bahay ng biktima.

Nag-uusap umano si Rolito at Ellat nang humantong sa hindi pagkakaunawaan, hanggang sa sila ay mapunta sa mainit na pagtatalo.

Sa kanilang pag-aaway, bigla umanong kumuha ng kutsilyo na may habang 10 pulgada ang suspek at walang sabi-sabing tinarak ang lalamunan ng biktima.

Agad na tumakas ang suspek pagkatapos ng insidente, habang sinugod naman si Tacson sa ospital ngunit dead-on-arrival ito, ayon sa mga medical expert.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Asingan Police Station para hanapin ang suspek. (Allan Bergonia)